Ina at 2 anak patay, 4 pa sugatan sa banggaan ng van at tricycle sa Bulacan

 31 

SAN MIGUEL, Bulacan — Patay ang dalawang menor de edad kasama ang ina nito habang apat pang mga kaanak ang sugatan matapos sumalpok ang sinasakyan nitong tricycle sa isang kasalubong na van sa Cagayan Valley Road, Barangay Buliran Miyerkules ng ng hapon (July 20).

Agad na nasawi ang mag-iina na kinilala ng pulisya na sina Monica Ramos, 29; anak nitong sina Aj, 5 at Miguel, 7 habang ang mga sugatan ay sina Vanessa Francisco, 22-anyos; Haydee Francisco, 13; Lara Capulong, 10-anyos, at Jacob Elias Dela Cruz, 1-taon gulang pawang residente ng Barangay Malubay ng nasabi ring bayan.

Batay sa panimulang imbestigasyon, nakatanggap ng tawag ang San Miguel Police kaugnay ng naganap na malagim na aksidente bandang alas-1:30 ng hapon habang ang mga biktima ay lulan ng isang tricycle na minamaneho ng 13-anyos na si Haydee na papunta sana sa isang vaccination site para magpabakuna kontra Covid-19.

Nabatid na habang binabagtas ng mga biktima ang national highway papuntang Barangay Poblacion ay isang sasakyan ang nag-overtake sa kanang bahagi nito kung saan napakabig sa kaliwa ang tricycle na sumalpok sa paparating na XLT Van.

Dahil sa lakas ng impact ng pagsalpok ay naiipit ang mga biktima at ang iba ay nagtalsikan sa kalsada.

Ang driver ng XLT van na si Angelino Paras, 61, residente ng Mambangnan, San Leonardo, Nueva Ecija ay sumuko at nahaharap sa kasong Multiple Homicide and Multiple serious injury.

Dead on arrival sina AJ at Miguel sa San Miguel District Hospital habang ang kanilang ina na inilipat sa PJG Hospital sa Cabanatuan City, Nueva Ecija ay binawian din ng buhay pagkalipas ng ilang oras sanhi ng tinamong mga sugat, bali ng mga buto.