Lalaki patay, suspek na pulis, isa pa sugatan

Isang 26-anyos na pump attendant ang nasawi habang sugatan din ang pulis na suspek at isa pang lalaki makaraan umanong mag-agawan ng baril Linggo ng gabi sa Barangay Citrus in the City of San Jose Del Monte, Bulacan.

Kinilala ni PLt. Col. Orlando Castil Jr., CSJDM Police chief ang biktima na si Margarettee Cleavan Rosal, 26, single at nakatira sa UC2 upper, Area G, Barangay Citrus ng nasabing lungsod habang ang suspek naman ay nakilalang si Police Patrolman Jessie Gubat, 27 yrs old, PNP member at naka-assign CIDG Cabanatuan at kasalukuyang nakatira sa TC11, Barangay Citrus ng naturan ding lugar.

Nakilala naman ang isa pang biktima na unang tinamaan ng tama ng bala na si Reggie Tolusa.

Base sa panimulang imbestigasyon, dumating ang suspek na si Pat. Gubat sa bahay ng biktimang si Rosal at galit na hinahanap ang biktima hanggang sa magpaputok ito ng baril at aksidenteng tinamaan ang biktimang si Tolusa sa nagtamo ng tama ng bala sa kanang hita.

Dahil dito, mabilis na tumakas ang suspek subalit hinabol siya ng biktimang si Rosal at nang abutan ito malapit sa bahay ng suspek ay nagpambuno ang dalawa at nag-agawan ng baril.

Nabatid sa report na kasunod ng pangyayari ay ilang ulit na pumutok ang baril habang nag-aagawan ang dalawa at duguan at wala nng buhay nang bumulagta ang biktima habang mayroon ding tama ng bala sa gawing kanang tiyan ang suspek.

Agad naman naisugod sa Sapang Palay District Hospital ang sugatang biktima na si Tolusa gayundin ang suspek na si Pat. Gubat.

Ayon sa imbestigasyon, “love triangle” ang unang nakikita sa motibo ng krimen makaraang mabatid na ang live-in partner ng napatay na biktima ay kinasama rin ng suspek at nang bumalik umano ang babae sa piling ng biktima ay siyang ikinagalit ng suspek.

Nahaharap sa kasong murder at frustrated murder ang suspek.