Marilao mayor patay sa aksidente, 2 kritikal

NASAWI ang alkalde ng Marilao, Bulacan habang sugatan naman ang driver bodyguard at sekretarya nito matapos sumalpok ang sasakyan nila sa isang poste ng ilaw sa kahabaan ng Prince Balagtas Avenue, Clark Freeport Zone, Mabalacat City, Pampanga Linggo ng hapon.

Kinumpirma ng anak ng alkalde na si Jackielou Silvestre-Guillermo ang pagkamatay ng kaniyang ama na si Mayor Ricky Silvestre, 65, na naisugod pa sa pagamutan bago binawian ng buhay sa Medical City sa Clark Freeport Zone.

Kritikal naman ang driver/ bodyguard na si PSSg Rodel Gojo Alcantara, 48, residente ng No. 1819 Catmon, Sta. Maria, Bulacan na isinugod sa nasabi ring pagamutan.

Sa Angeles University Foundation hospital naman isinugod si Karen Bonifacio, Secretary ni Mayor Silvestre.

Base sa imbestigasyon, ang mga biktima ay lulan ng puting Toyota Land Cruiser na may plate number CAP-3127 na minamaneho ni Alcantara nang maganap ang malagim na trahedya bandang alas-5:39PM.

Nabatid na sa bahaging gitnang upuan si Mayor Silvestre naka-upo katabi ang sekretarya at hinihinalang hindi naka-seat belt nang maganap ang aksidente.

Habang binabagtas ng mga biktima ang nasabing lugar  ayon sa mga nakasaksi ay nakita munang nagpasuray-suray ang sasakyan bago tuliyang sumalpok sa poste.

Samantala, may teorya ang kapulisan na nakatulog ang driver na naging dahilan ng aksidente.

Nagawa pang maisugod sa Medical City, Clark Freeport Zone ang alkalde at driver nito ng mga rumespondeng CDC Medics subalit bandang alas-7:10 ng gabi ay binawian ng buhay si Silvestre.

Nagpa-abot ng lubos na pakikiramay sina Gov. Daniel Fernando at Vice Gov. Alex Castro sa pamilya ng yumaong alkalde na personal na nagtungo sa Medical City nang matanggap ang masamang balita. 

Gayundin si Bocaue Mayor Jonjon Villanueva, pangulo ng Bulacan Mayors League na nagpa-abot ng kanilang pakikiramay.

Patuloy pang inaalam kung saan talaga patungo ang mga biktima nang maganap ang insidente.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews