Metro Manila Subway Phase 2, aabot sa Meycauayan

MARILAO, Bulacan — Ang Phase 2 ng Metro Manila Subway, isa sa pinakamalaking proyektong imprastraktura sa ilalim ng ‘Build-Build-Build’ ng administrasyong Duterte, ay aabot sa Meycauayan, Bulacan.

Ayon kay Transportation Undersecretary for Rail Timothy John Batan, makakarating sa lungsod ng Meycauayan sa bandang Bahay Pari ang Phase 2 ng Metro Manila Subway.

Sa susunod na taon ay nakatakda nang simulan ang konstruksyon ng Phase 1 nito sa tulong ng Japan International Cooperation Agency na magpopondo sa malaking bahagi ng 350 bilyong pisong kailangan sa proyekto.

Ayon kay Japanese Ambassador Koji Haneda, tiyak nang pera at teknolohiya ng Japan ang gagamitin sa kauna-uhang Subway o riles sa ilalim ng lupa sa Pilipinas.

Resulta ito ng kasunduang nilagdaan nang bumisita sa Pilipinas si Japanese Prime Minister Shinzo Abe noong Nobyembre 2017.

Ang Phase 1 ay magkakaroon ng mga istasyon sa Mindanao Avenue sa tabi ng Quirino Highway, Tandang Sora, North Avenue, Quezon Avenue, East Avenue, Anonas, Katipunan, North Ortigas, South Ortigas, Kalayaan Avenue, Bonifacio Global City, Cayetano Blvd., FTI, at Ninoy Aquino International Airport.

Target na inisyal na matapos at masakyan ito sa taong 2022 at matapos nang husto sa taong 2024.

Kapag sinimulan naman ang Phase 2, ikakabit ang riles sa Meycauayan sa Mindanao Avenue sa lungsod ng Quezon. -Shane F. Velasco