LUNGSOD NG PALAYAN (PIA) — Bumuo ang pamahalaang panlalawigan ng task force na tututok upang maiwasang kumalat ang Coronavirus Disease o COVID-19 sa Nueva Ecija.
Ayon kay Governor Aurelio Umali, ang mahalaga ay maumpisahan at magkaroon ng malinaw na paghahanda ang lalawigan upang mapigil ang pagkalat ng naturang sakit.
Aniya, bilang konseho ay sama-sama itong paghahandaan at bibigyang solusyon.
Sa katatapos lamang na pagpupulong ng task force ngayong araw ay tinalakay ang pagkakaroon ng social media account na magiging basehan ng mga aktwal na datos at estado ng lalawigan hinggil sa COVID-19.
Gayundin ay nakikita itong mabisang pamamaraan upang madaling maipalaganap ang mga tiyak na impormasyon o anunsyo tungkol sa naturang sakit.
Nabanggit din ang kahalagahang maunawaan mismo ng bawat ehekutibo at mga kawani ng lokalidad at iba’t ibang ahensya ng pamahalaan ang tungkol sa COVID-19 upang maging katuwang sa pagpapatupad ng mga hakbang at mga kaukulang programa.
Tinalakay din sa naturang pagpupulong ang gampanin ng mga kapulisan at kasundaluhan gayundin ang kinakailangang pagbili ng mga Personal Protective Equipment para sa mga fronline responders.
Ngayong Martes ay nakatakdang pulungin ang mga Barangay Health Worker, kinatawan ng bawat Rural Health Unit, paaralan at mga lokalidad upang malaman ang kahandaan o kapasidad sa pagtukoy at paghawak ng mga pinaghihinalaang kaso ng COVID-19.
Kabilang sa mga miyembro ng naturang task force ang Department of Health, Department of the Interior and Local Government, Nueva Ecija Police Provincial Office, Philippine Army, National Commission on Indigenous Peoples, Philippine Information Agency, at mga departamento ng pamahalaang panlalawigan.
Kasama din bilang mga miyembro ang mga kinatawan ng League of Municipalities of the Philippines, Liga ng mga Barangay sa Pilipinas, Nueva Ecija Association of Municipal Health Officers, Philippine Hospitals Association, Nueva Ecija Medical Society, Ako ang Saklay Foundation, Coalition of Senior Citizens of Nueva Ecija, Kababaihang Tanglaw at Lakas ng Nueva Ecija at Nueva Ecija Association of Persons with Disability.