Pag-IBIG Fund Cabanatuan, tumatanggap na ng aplikasyon para sa calamity loan 

Tumatanggap na ng aplikasyon ang Pag-IBIG Fund Cabanatuan para sa mga nais mag-avail ng calamity loan.

Ayon kay Pag-IBIG Fund Cabanatuan Branch Head Reynante Pasaraba, kwalipikadong mag-aplay ang may 24 na buwan o dalawang taon ng miyembro na residente sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity dahil sa pananalasa ng bagyong Karding tulad ng lalawigan ng Nueva Ecija at bayan ng Dingalan sa Aurora. 

Ang mga kwalipikadong miyembro aniya ay maaaring makahiram ng nasa 80 porsyento ng kanilang regular savings na may pinakamababang interest rate na 5.95 porsyento kada taon at may tatlong buwang grace period na babayaran sa loob ng dalawang taon. 

Patuloy na tatanggap ng aplikasyon ang ahensya sa loob ng 90 araw simula nang maideklara ang isang lugar na nasa state of calamity. 

Paglilinaw ni Pasaraba, ang calamity loan ay hindi regular na programa ng ahensya dahil ito ay ipinagkakaloob lamang sa panahong may matinding kalamidad partikular sa mga lugar na idineklarang nasa state of calamity. 

Ito aniya ay agarang tulong sa muling pagbangon ng mga kwalipikadong miyembro gaya ang mga nasiraan ng tahanan at iba pang ari-arian mula sa hagupit ng nagdaang kalamidad.

Tulad ang ibang programa ng Pag-IBIG Fund ay magaan na lamang ang pagpapasa ng aplikasyon para sa calamity loan kahit hindi na magtungo sa mismong branch.

Ito ay maaaring ipasa sa pamamagitan ng online o virtual Pag-IBIG, o kaya ay sa mga fund coordinator o liaison officer na itinalaga sa bawat employer na sila namang magdadala sa Pag-IBIG branch. 

Naglagay na din ng mga drop boxes ang Pag-IBIG Fund sa mga tanggapan ng lokal na pamahalaan, iba’t ibang sangay ng gobyerno nasyonal, mga pamantasan, at pribadong kumpanya sa lalawigan na regular pinupuntahan ng ahensya. 

Paglilinaw ni Pasaraba, maaari pa din namang personal na magtungo sa kanilang opisina o kaya ay sa Members Services Desk sa lungsod ng San Jose upang personal na makagpag-aplay sa programa.

Sa pamamagitan ng mga inisyatibong ito ay hangad ng tanggapan na mas mailapit ang mga serbisyo ng ahensiya sa mas madaling paraan nang hindi na mahirapan pa ang mga miyembro. (CLJD/CCN-PIA 3)

Leave a Reply

Your email address will not be published.