Pagiging ‘Constitution Capital’ ng Bulacan, isusulong

LUNGSOD NG MALOLOS — Maghahain si Senador Richard J. Gordon ng panukalang batas na magdedeklara sa Bulacan bilang Constitution Capital ng Pilipinas bilang pagkilala sa tatlong Republikang itinatag dito. 

Sa kanyang pagbisita sa Museo ng Republika Filipina 1899 sa dating kumbento ng simbahan ng Barasoain, kanyang ipinabatid kay Gobernador Wilhelmino Sy-Alvarado at museum curator Ruel Paguiligan na nagkaroon ng malaking papel ang Bulacan sa pagsasabansa ng Pilipinas. 

Kinikilala niya na bagama’t sa Kawit, Cavite naiproklama ni Heneral Emilio Aguinaldo ang Kalayaan ng Pilipinas noong Hunyo 12, 1898, ang Kongreso ng Malolos ang nagbigay ng ratipikasyon o bisa na pinagtibay sa ginawang sesyon noong Setyembre 29, 1898 sa simbahan ng Barasoain. 

Base sa mga batayang pangkasaysayan ng National Historical Commission of the Philippines, sa sesyon ding ito ng Kongreso ng Malolos ibinalangkas at pinagtibay ang Saligang Batas ng 1899 noong Enero 21, 1899. 

Naglalaman ito ng mga karapatang pantao na ipinagkakaloob sa mga mamamayan ng Pilipinas gaya ng karapatang makaboto o maiboto, makapag-aral, makapili ng relihion, magkaroon ng ari-arian, makapagpahayag ng saloobin, makapili ng asawa at iba pang karapatang sibil.

Ang Saligang Batas ng 1899 na pinagtibay ng Kongreso ng Malolos ang nagbunsod upang maitatag ang Pilipinas bilang kauna-unahang Republika sa Asya noong Enero 23, 1899. Sa simbahan din ng Barasaoin naganap ang naturang pagpapasinaya. 

Sa datos pa rin ng NHCP, bago pa man ang pagkakatatag ng Republika ng Pilipinas sa Malolos noong 1899 ay dalawang republika na ang naitatag sa Bulacan.
Ito ang Republika ng Kakarong sa bayan ng Pandi noong Enero 1, 1897 at ang Republika ng Biak na Bato sa bayan ng San Miguel noong Nobyembre 1, 1897.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews