Patuloy na pinapalawak ng Department of Agriculture o DA ang pagtatanim ng hybrid na klase ng palay sa Gitnang Luzon.
Isinasagawa ito sa pamamagitan ng isang Hybrid Rice Varietal Derby sa Central Luzon State University o CLSU sa lungsod Agham ng Muñoz.
Layunin nitong maipamalas ang potensyal ng hybrid na uri ng palay sa pamamagitan ng pagpapakita ng mahusay na pamamahala at kasanayan sa pagtatanim.
Mabibigyang pagkakataon din ang mga magsasaka na lubusang makilala ang mga hybrid rice na ibinibigay ng kagawaran.
Sinabi ni DA Regional Executive Director Crispulo Bautista Jr. na oras na para tulungan din ng mga seed companies ang kagawaran na itaguyod ang hybrid rice technology.
Aniya, sana sa bawat probinsiya ay makapagsagawa sila ng technology demo ukol rito.
Dagdag pa ni Bautista, tiyak na dumarami ang ani na makapagpapataas ng kita sa paggamit ng hybrid rice.
Sa kasalukuyan may pitong kumpanya ng binhi ang lumahok sa aktibidad kabilang na rito ang Corteva Agriscience, Bioseed Research Philippines Inc., Bayer, LongPin Tropical Rice Development Inc., SeedWorks, Syngenta, at SL Agritech Corporation.
Samantala, inaasahang maani ang mga tanim na palay ngayong buwan ng Abril.
Katuwang ng kagawaran sa programang ito ang CLSU, Philippine Rice Research Institute at Nueva Ecija Provincial Agriculture Office.