Pandi Mayor dismayado sa maling report ng Bulacan PHO sa COVID-19

Dismayado si Pandi, Bulacan Mayor Enrico Roque sa umanoy maling  datos na ipinalabas ng Bulacan Provincial Health Office (PHO) kaugnay ng mga kaso ng coronavirus disease (COVID-19) sa lalawigan kung saan nagdudulot ng takot sa mga residente partikular na sa nabanggit na bayan.

Dahil dito, dapat aniyang imbestigahan ng COVID-19 Inter Agency Task Force ang naturang insidente ng pagkakamali dahil hindi biro ang dulot nitong kalituhan at takot sa taumbayan.

Ayon kay Roque, tinawag nitong “inaccuracy” o hindi wasto ang report na inilabas ng PHO Bulletin partikular na sa social media kahapon (Linggo) kaugnay ng kalagayan o update sa kaso ng COVIC sa lalawigan partikular na sa mga confirmed cases.

Inihalimbawa ng alkalde ang latest post ng PHO sa kanilang Facebook Page account na petsang Mayo 3 kung saan mayroong naitalang bagong kaso ng confirmed case ng nasabing infectious disease sa bayan ng Pandi at ito ay pinangalanang si PH3325 na isang nurse sa Tondo Medical Hospital.

Giit ni Roque, si PH 3325 ay unang nagpositibo sa COVID noong Abril 8 at nagpositibo ulet sa ikalawang test petsang Abril 17 at nakarekober o negatibo na sa ikatlong pagsusuri nitong Abril 24.

Sa paliwanag ni Dr. Joy Gomez, head ng Bulacan PHO kay Mayor Roque, delayed umano ang mga natatanggap din nilang report kung kaya nagkaganun ang report.

“Kulang siya (Dr. Gomez) sa koneksyon sa Department Of Health (DOH), bakit kaming mga mayor dito ay kayang kumuha ng tama at pinaka-latest update ng kaso sa aming nasasakupan pero siya sasabihin niya delayed?

Ngayong alam na niya edi itama na nila yun kanilang report, madali naman i-edit yun post nila,” ani Roque.

Ayon pa sa alkalde, nagdulot umano ng panibagong takot ang maling impormasyon dahil sa lumabas sa social media ang bagong update cases na kabilang umano ang bayan ng Pandi ay nag-panic ang mga residente rito.

“Sa panahon at sitwasyong ganito, ang bawat datos ay kailangang “tama” at hindi magdudulot ng pangamba, takot at kalituhan sa taumbayan.. hindi biro-biro ang maghatid ng maling impormasyon,” ayon kay Roque.

Napag-alaman na dahil sa naturang pangyayari ay maging ang karamihang mga mayor sa lalawigan ay nagpahayag din ng pagkadismaya kung saan nagpa-plano sila na magreklamo sa COVID-19 Inter Agency Task Force upang magawan ng hakbang ang naturang insidente sa nasabing pagkakamali ng paghahatid ng impormasyon.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews