PDAO-NE, ipinaliwanag ang mga karapatan ng mga may kapansanan

LUNGSOD NG CABANATUAN — Ipinaliwanag ng Provincial Disability Affairs Office o PDAO Nueva Ecija sa idinaos na talakayan ang mga batas at karapatan ng mga may kapansanan.

Ayon kay PDAO Chief Ariel Sta. Ana, mahalagang maunawaan ng lahat ang mga nakapaloob sa batas upang magsilbi nilang sandata sa pagtamasa ng mga benepisyo’t pribilehiyong handog ng gobyerno.

Marami na aniyang batas na naipasa sa bansa gaya ang Magna Carta for Disabled Persons o Republic Act 7277 na pinagsimulan ng lahat ng mga batas na naamyendahan sa pamamagitan ng RA 9442 kung kaya’t may 20 porsyentong diskwento sa mga bilihing gamot, laboratory fees pati sa mga pasyalan at iba pa. 

Kaniyang paglilinaw, mayroon ding batas na nagbibigay karapatan sa mga may kapansanang maghangad ng trabaho sa pamahalaan man o pribadong kumpanya batay sa RA 10542 o Expanding Positions Reserved for PWDs. 

Tinalakay din ni Sta. Ana ang kahalagahan ng pagbuo ng sariling opisina para sa mga may kapansanan sa bawat lokalidad o ang pagkakaroon  ng Local Disability Affairs Office na nakasaad naman sa RA 10070.

Sa tulong aniya ng permanenteng tanggapan ay matitiyak na maisasakatuparan ang mga programa at serbisyo para sa sektor gayundin ay may kakatawan at maglalahad ng mga kinahaharap na pangangailangan ng taong may kapansanan. 

Isang resolusyon o ordinansa ang kinakailangang maipasa ng bawat lokalidad sa pagkakaroon ng sariling opisina gayundin ay mayroong panuntunan sa pagpili sa mga taong manunungkulan bilang mga kawani ng tanggapan. 

Sa buong lalawigan maliban sa panlalawigang tanggapan ay mayroon na ding naitatag na Disability Affairs Office sa mga bayan ng Jaen, Guimba, Pantabangan, at Cabiao at maging sa mga lungsod ng San Jose at Cabanatuan. 

Kaugnay nito ay patuloy ang panawagan ng tanggapan sa mga bagong upong tagapamuno na bigyang pansin ang mga nakasaad sa batas hinggil sa maayos na pagpapadaloy ng mga serbisyo at proyekto para mga may kapansanan. 

Ayon pa kay Sta. Ana, pinakabagong batas na nalagdaan ay ang RA 11228 o pagiging miyembro ng lahat ng mga PWD sa Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth na sa anumang oras na magkasakit ay mayroong agapay na matatanggap sa pagpapaospital. 

Ang lahat ng mga batas na ito aniya ay mawawalang saysay kung hindi mauunawaan at maipatutupad ng tama.

Kung kaya’t patuloy na hiling ng sektor ay mas lumawak pa ang suportang natatanggap mula sa lokal at nasyonal tungo sa pagbabago at pag-unlad sa buhay ng mga may kapansanan.

Nasa humigit 40 pinuno ng sektor at kinatawan ng lokalidad mula sa lalawigan ang lumahok sa naturang aktibidad.

Bago matapos ang programa ay ibinahagi naman ng Philippine Information Agency ang mga programa at patuloy na suporta sa sektor bilang aktibong miyembro ng Provincial Council on Disability Affairs na tumututok sa mga proyektong ipinatutupad para sa may kapansanan.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews