Peace Covenant Signing para sa eleksyon, idinaos sa Nueva Ecija

LUNGSOD NG CABANATUAN — Lumagda sa Peace Covenant ang mga kumakandidato sa iba’t ibang lokal na posisyon sa Nueva Ecija.

Ayon kay Police Regional Director PBGen. Matthew Baccay, layunin ng idinaos na programa na pag-isahin ang lahat ng sektor ng lipunan tungo sa pagdaraos ng ligtas at mapayapang halalan sa Mayo.

Ang tagumpay ng eleksiyon aniya ay masusukat sa pagkakaroon ng sportsmanship ng mga kumakandidato at walang maitatalang insidente ng karahasan sa buong panahon ng halalan. 

Nagsama-sama ang mga kumakandidato sa iba’t ibang posisyon sa Nueva Ecija sa idinaos na Unity Walk, Inter-Faith Rally At Peace Covenant Signing para sa mapayapang pagdaraos ng halalan sa Mayo. (Nueva Ecija Police Provincial Office)

Pahayag ni Baccay, katuwang ang mga kasundaluhan at Commission on Elections o COMELEC ay puspusan ang paghahanda ng mga otoridad upang masigurong magiging maayos ang pagdaraos ng eleksiyon sa buong rehiyon. 

Gayundin ay paiigtingin ang laban sa anumang uri ng kriminalidad para sa katahimikan at kaligtasan ng mga nasasakupang mamamayan. 

Nanguna sa Unity Walk, Inter-Faith Rally at Peace Covenant Signing ang mga advocates ng Safe, Accurate, Fair, Election mula sa COMELEC, Nueva Ecija Police Provincial Office, 703rd Infantry Brigade, Department of Interior and Local Government, Department of Education, Parish Pastoral Council for Responsible Voting, at National Citizens’ Movement For Free Elections. 

Ito ay dinaluhan ng mga tumatakbong kandidato sa pinakamataas na posisyon sa lalawigan na paglalabanan nina Incumbent Governor Aurelio Umali at Palayan City Mayor Adrianne Mae Cuevas. 

Kasama nila ang mga kaalyadong kumakandidato  mula sa pagka- bise gobernador, kongresista at board member sa Nueva Ecija.