PhilRice, target mamahagi ng 2.12M bags ng binhi

LUNGSOD AGHAM NG MUÑOZ — Target ng Philippine Rice Research Institute o PhilRice na mamahagi ng 2.12-milyong bag ng libreng binhi ng palay sa mga magsasaka sa bansa bago matapos ang taong 2019.

Ayon kay PhilRice Deputy Executive Director for Special Concerns on the Implementation of Rice Competitiveness Enhancement Fund Flordeliza Bordey, kabilang na sa gampanin ng tanggapan ang pagpaparami at pamamahagi ng mga inbred seed sa mga magsasaka sa bansa batay sa Batas Republika Bilang 11203 o mas kilala bilang Rice Tarrification Law.

Tungkulin na din aniya ng tanggapang makahikayat ng mga magsasakang bumuo ng asosasyon o kooperatibang tutulong sa produksyon at mamumuhunan sa inbred seeds. 

Nakapaloob sa batas ang paglalaan ng gobyerno ng nasa tatlong bilyong pisong pondo o 30 porsyento ng Rice Fund para sa pamamahagi ng inbred seeds sa mga magsasaka sa loob ng anim na taon. 

Paglilinaw ni Bordey, ang pinakamaraming maaaring makuha ng isang magsasaka ay nasa apat na bag ng binhi na kung saan ang bawat bag ay naglalaman ng 20 kilogram na sapat upang taniman ang nasa kalahating ektaryang bukirin. 

Ito aniya ay upang mas maraming maliliit na magsasaka ang maabot at makinabang sa programa at matamnan ang nasa 1.06 milyong ektaryang bukirin sa susunod na taniman.

Ayon pa kay Bordey, kabilang sa mga ipapamahaging binhi ng PhilRice ay ang mga magagandang uri ng inbred seed gaya ang NSIC Rc 222 na kilalang malakas umani, Rc 216 at Rc 160 na maganda ang presyo sa merkado dahil sa pinipili at mas masarap kainin. 

Magsisimula aniyang mamahagi ng binhi ang tanggapan ngayong Oktubre na sakto sa paghahanda ng mga magsasaka para sa susunod na taniman. 

Dagdag na pahayag ni Bordey, mayroon ng ugnayan ang tanggapan sa mga seed growers at cooperatives na panggagalingan ng mga binhi samantalang Bureau of Plant Industry naman ang magtitiyak ng kalidad bago ito maipamahagi sa mga benepisyaryong magsasaka.

Gayundin ay nakikipagugnayan ang tanggapan sa National Irrigation Administration batay sa iskedyul ng pagpapatubig sa mga bukirin pati sa mga lokal na pamahalaan upang malaman naman ang iskedyul ng  taniman sa bawat lokalidad na magiging batayan sa pamamahagi ng binhi at matanggap ng mga magsasaka sa tamang panahon.

Kanyang panawagan sa mga magsasaka, siguraduhing nakasama o nakarehistro ang pangalan sa Registry System for Basic Sectors in Agriculture ng lokalidad at sa Kagawaran ng Pagsasaka upang mabenepisyuhan at mapasama sa programa. 

Base sa tala ng tanggapan, nasa 57 lalawigan o 747 na mga bayan at siyudad sa bansa ang magiging sakop ng programa batay sa mga nakapaloob na criteria tulad sa lawak ng sakahan, porsyento ng ani, irrigated areas, at cost production.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews