Pulis na infected ng COVID-19, umabot na sa 899

CAMP CRAME – Patuloy na dumadami ang mga PNP personnel na nagpopositibo sa Coronavirus Disease 2019 o Covid-19. 

Ito ang lumabas sa ulat ng PNP Public Information Office ngayong Lunes kung saan 38 na pulis ang nadagdag sa mga nagpositive sa nakamamatay na virus kaya umaabot na ito ngayon sa 899 confirmed cases ng COVID-19. 

Sa 38 pulis na panibagong napasama sa mga positibo sa virus, 26 sa kanila ay mula sa National Capital Region Police Office at 12 naman ay pawang mga nakatalaga sa Police Regional Office o sa PNP Central Visayas.

Pero sa bilang ng mga positive, 409 sa kanila ang gumaling na sa sakit.

Samantala, aabot naman sa 1,897 ang bilang ng mga pulis ang inoobserbahan dahil pa rin sa may sintomas ng COVID 19 kung saan 1,151 sa kanila ay  suspected cases, habang 746 naman ang probable cases ng COVID 19.