LUNGSOD NG CABANATUAN — Pinaiigting ng buong hanay ng Nueva Ecija Police Provincial Office o NEPPO ang kampanya kontra sa paglaganap ng mga hindi lisensyadong baril.
Ayon kay NEPPO Public Information Office Chief Senior Inspector Jacquiline Gahid, ito sa pamamagitan ng mga inilulunsad na operasyon at paghahain ng search warrant sa mga akusadong ilegal na humahawak ng mga naturang baril at iba pang kagamitan.
Nito lamang ika-25 ng Enero ay nakumpiska ng San Jose City Police mula sa magsasakang inisyuhan ng search warrant ang isang granada, mga bala ng kalibre 45 at M14 riffle.
Kinilala ang suspek na si Anastacio Geron, 47 taong gulang ng Sitio Raymundo Barangay Tondod ng lungsod San Jose.
Kaugnay nito ay patuloy na hinihikayat ni NEPPO Provincial Director Senior Superintendent Eliseo Tanding ang bawat hepe ng istasyong nasasakupan na bigyang kaukulan ang nabanggit na kampanyang makatutulong din sa pagsawata ng krimen sa lalawigan. –Camille C. Nagaño