‘Rebolusyon’, idineklara para isalba ang Marilao-Meycauayan-Obando River

LUNGSOD NG MALOLOS — Nagdeklara ng rebolusyon ang Department of Environment and Natural Resources o DENR para isalba ang Marilao-Meycauayan-Obando River System o MMORS.

Sa kanyang mensahe sa katatapos na pagdiriwang ng ika-441 anibersaryo ng lalawigan ng Bulacan, sinabi ni DENR Undersecretary Juan Miguel Cuna na kinakailangang madaliin ng mga pamahalaang lokal ang pagkukumpleto ng mga Sewerage Treatment Plant o STP sa kahabaan ng MMORS.

Ibig sabihin, kinakailangan na matiyak ng mga pamahalaang lokal ng Marilao, Meycauayan at Obando na maubliga ang bawat establisemento na nasa gilid o nakatayo malapit sa MMORS na magkaroon ng sariling STP. 

Bukod dito, pinaalalahanan din niya ang nasabing mga pamahalaang lokal na dapat maging matino ang pagpapatupad sa Republic Act 9003 o Ecological Solid Waste Management Act sa pangangalaga ng MMORS. 

Ibig ding sabihin, panahon na upang hindi lamang alisin ang dumi sa MMORS kundi alisin din ang pinanggagalingan ng mga dumi gaya ng mga tirahang iligal na naitayo sa gilid nito.

Taong 2007 nang maitala sa listahan ng Blacksmith International sa United States ang MMORS na kauna-unahan sa tinatawag na “Dirty Thirty” o pinakamarumi sa 30 pinakamaruruming ilog sa buong mundo. 

Kaya’t noong 2008, sa pangunguna ng DENR ay binuo ang Water Quality Management Area o WQMA na isang kapulungan ng iba’t ibang ahensya at sektor upang bumuo ng mga plano at hakbang upang isakatuparan ang pagbuhay sa MMORS.

Kaugnay nito, tinatawagan naman ng pansin ni Cuna ang WQMA na bilisan ang mga kilos at paggawa ng desisyon sa mga hakbang sa pagbuhay sa MMORS partikular na ang malawakang dredging o pagpapalalim ng nasabing ilog. 

Hinalimbawa rito ang ginawang matagumpay na dredging sa Ilog Pasig sa tulong ng Bagger Wartken ng Belgium noong 2009. 

Nanawagan din siya sa Department of Public Works and Highways na magkaroon na ng pagsusuri kung paano isasagawa ang planong malawakang dredging.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews