BALIWAG, Bulacan — Muling itinayo ng National Historical Commission of the Philippines o NHCP ang replika ng bahay ng propagandista at diplomatikong si Mariano Ponce sa kanyang pook sinilangan sa kabayanan ng Baliwag.
Binuksan ito sa publiko bilang isang museo na nagtatanghal ng kanyang buhay, ginawa, isinulat at pamana sa pulitika ng Pilipinas at ugnayang panlabas. Itinaon ito sa paggunita sa ika-101 anibersaryo ng kanyang kamatayan nitong ika-23 ng Mayo.
Sa pagpapasinaya na pinangunahan ni NHCP Chairperson Rene Escalante, sinabi nitong ipinagkaloob ng mga kaanak ni Ponce ang bahagi ng lupa na pinagpanganakan at tinirahan ng bayani bilang donasyon sa kanila, sa pamamagitan ng mga apo nitong sa tuhod na sina Jay Jay at Lito Ponce. Ito’y upang pagtayuan ng nasabing museo.
Nang ilunsad ang pagtatayo ng museo sa paggunita ng Ika-100 Taon ng Pagkamatay ni Ponce nitong 2018, iprinisinta ng NHCP na ang proyekto ay nagkakahalaga ng 20 milyong piso.
Sa loob ng nasabing halaga, 15 milyong piso ang inilaan para sa konstruksyon ng istraktura habang 5 milyong piso para kuratoryal na siyang nilalalaman ng museo.
Ang naturang museo ay binubuo ng mga galerya mula sa kanyang kapanganakan, pagiging historyador at poklorista, repormista, rebolusyonaryo, tagapagtaguyod ng Pan-Asyanismo, lingkod bayan at ang mga natatanging pamana.(PIA 3)