LUNGSOD NG MALOLOS — Inaprubahan na ng Asian Development Bank o ADB ang 2.75 bilyong dolyar na pautang para sa konstruksyon ng 53 kilometrong Malolos-Clark Railway.
Bahagi ito ng Phase 2 ng North-South Commuter Railway o NSCR na kilala din sa tawag na Philippine National Railways o PNR Clark.
Ayon kay Transportation Assistant Secretary Goddes Hope Libiran, ito na ang pinakamalaking pautang ng ADB na ipinagkaloob para sa Pilipinas.
Dagdag pa ni Libiran na ang Phase 2 ng NSCR ang magiging kauna-unahang airport-railway link ng Pilipinas dahil magkakaroon ito ng istasyon sa ilalim mismo ng Clark International Airport o CRK Terminal 2, na ngayo’y 60 porsyento na ang naitatayo.
Mula sa Malolos, magkakaroon din ng mga istasyon sa Calumpit, Apalit, San Fernando at Clark Freeport Zone.
Bukod dito, kasama sa naturang loan package ng ADB ang 1.9 kilometrong pakaliwang viaduct ng NSCR mula sa Solis papuntang LRT 1 sa may Blumentritt, Manila.
Kaugnay nito, nauna nang naaprubahan ng Japan International Cooperation Agency noong 2018 ang 2 bilyong dolyar na Official Development Assistance para pondohan ang ipapasadyang mga bagol ng tren na patatakbuhin para sa Phase 2 ng NSCR.
Idinesenyo ito upang makapaglulan ng 350 libong pasahero araw-araw at kayang maisakay hanggang isang milyong pasahero araw-araw pagsapit ng 2025.
Sa ngayon, ipinalinis na ang masukal na dating riles ng PNR sa bahagi ng Malolos, kung saan kapwa magsisimula ang Phase 2 papuntang Clark at ang Phase 1 na paluwas sa Tutuban at Blumentritt. Gigibain na rin ang mga nabulok nang mga poste na itinayo ng noo’y konstratista sa dating North Rail Project.(PIA 3)