Tamang paggamit sa mga linya sa NLEX, ipinaliwanag

LUNGSOD NG MEYCAUAYAN — Hindi pwedeng palipat-lipat sa mga linya sa kahabaan ng North Luzon Expressway o NLEX ang mga sasakyang dumadaan dito.

Iyan ang binigyang diin ng NLEX Corporation ngayong nasa kasagsagan na ang panahon ng tag-ulan. 

Ayon kay NLEX Corporation Assistant Vice President for Corporate Communication Kit Ventura, dapat maintindihan ng lahat ng mga motorista, anuman ang uri ng sasakyan na minamaneho, na hindi isang karerahan ang NLEX. Lalong hindi rin pwedeng ‘mamili ng gustong linya’ ang mga sasakyan.

Binigyang diin ni Ventura na bawat linya sa NLEX, partikular sa bahagi ng mula sa Balagtas hanggang Balintawak kung saan tig-apat ang linya sa magkabilang direksyon, ay may nakatakdang tamang paggamit. 

Sa apat na linyang ito, hindi pwedeng ‘magbabad’ o pumirmi ang isang sasakyan sa pinakaunang linya sa kaliwa, o iyong linya sa tabi ng concrete barrier. Ito’y daanan lamang kung mag-oovertake ang isang sasakyang class 1 o mga sasakyang apat ang gulong gaya ng kotse, van, dyip at iba pang gaya nito. 

Sa pangalawang linya naman uubrang pumirmi ang mga sasakyang class 1, pero pwedeng gamitin ito ng mga bus kapag sila ay nag-oovertake. Samantalang bawal ang trak na dumaan o gumamit maski sa una at pangalawang linya. 

Pupwedeng pumirmi ang mga bus at trak sa ikatlo at ikaapat na linya na nasa gawing kanan ng expressway. 

Kaugnay nito, ganito rin ang patakaran sa bahagi ng NLEX na tatlo ang linya. Ito ang bahagi mula sa Balagtas, Bulacan hanggang San Fernando, Pampanga. Ang pagkakaiba lamang, magiging isa lamang ang linya para sa mga trak at bus o sasakyang class 2 na nasa ikatlong linya. Habang para sa mga sasakyang class 1 ay sa ikalawang linya dapat pumirmi. Mananatili namang overtaking lane lamang ang unang linya sa kaliwa.

Samantala sa bahagi ng NLEX na dalawang linya lamang, o ang mula San Fernando, Pampanga hanggang sa Sta. Ines sa Mabalacat, Pampanga, dapat nasa kaliwang linya ang mga mabibilis na sasakyan at sa kanan ang mga mababagal. Sinusunod namang pamantayan ng NLEX Corporation ang Land Transportation and Traffic Code of 1964 o ang Republic Act 4136 kung saan hanggang 100 kilometer per hour (kph) lamang ang dapat na pinakamabilis na takbo ng isang class 1 na sasakyan, at 80 kilometer kph ang pinakamabagal.

Para naman sa mga trak at bus, 80 kpg ang pinakamabilis at 60 kpg ang pinakamabagal. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews