Inaanyayahan ang buong bansa na ipagparangalan ang wikang Filipino at mga katutubong wika ng Filipinas sa pagdiriwang ng Buwan ng Wika 2019 sa Agosto na may temang “WikangKatutubo: Tungo sa Isang Bansang Filipino.”
Pinagtibay ng KWF Kapasiyahan 19-03, hangad ng tema sa taóng ito na maikintal sa pambansang kamalayan ang halaga at gampanin ng wikang Filipino at mga katutubong wika sa pagbuo ng isang bansang nagkakaunawaan.
Mangunguna ang natatanging ahensiyang pangwika ng pamahalaan sa pagtataguyod ng mga proyekto at programang nakatuon sa pagpapaunlad, preserbasyon, at pagpapalaganap ng wikang Filipino at mga katutubong wika ng Filipinas.
Kabilang ang wika sa pamanang pangkultura o intangible heritage ng isang lahi. Sa wika matatagpuan ang mga kayamanang pangkultura tulad ng identidad, gunita, oral na tradisyon, at panitikang nakasulat.
Maituturing na yaman ng Filipinas ang pagkakaroon ng maraming katutubong wika. Batay sa KWF Atlas ng mga Wikang Filipinas, may 130 katutubong wika sa bansa.
Pakikiisa rin ito sa pagtatalaga ng UNESCO sa 2019 bílang taon ng mga katutubong wika sa buong daigdig.
Ayon sa talá ng UNESCO, 2,680 wika ng daigdig ang nanganganib maglaho sa hinaharap kung hindi magkakaroon ng kongkretong pagpaplano at aksiyon sa pagsagip dito.
Hinihikayat ng KWF ang mga mamamayang Filipino, hindi lámang sa buwan ng Agosto, na makiisa at manguna sa mga proyektong nakatuon sa pagpapasigla ng paggamit at pagtangkilik sa mga katutubong wika ng Filipinas. Ginagayanyak din ng KWF na makiisa sa pagdiriwang ang DepEd, CHED, CSC, NCIP, at DILG.
Tampok na gawain sa Agosto ang Pambansang Kongreso sa Katutubong Wika na isasagawa mula 19–21 Agosto sa Lungsod Bacolod.
Magsasagawa rin ang KWF ng mga seminar at timpalak sa buong bansa, kabilang na rito ang paghirang ng mga kabataang ambasador ng katutubong wika, ang iKAW. Kikilalanin rin ang mga nagwagi sa Gawad Jacinto, timpalak para sa pagsulat ng mga sanaysay ng kabataan hinggil sa kanilang katutubong wika.
Kabilang sa mga proyekto ng KWF na may kinalaman sa katutubong wika ang pagtataguyod ng adyenda para sa pagpapasigla ng wika at Atlas Filipinas onlayn. Mayroon ding aspektong saliksik sa pagsasagawa ng Lingguwistikong Etnograpiya at programang language revitalization sa pamamagitan ng Bahay Wika.
Abangan ang mga pabatid sa hinaharap hinggil sa mga programang maaaring lahukan sa Buwan ng Wika sa kwf.gov.ph. (MHIKE CIGARAL)