Magbubukas na uli sa mga turista mula sa ibang probinsya ang Zambales simula ngayong Biyernes, Mayo 28.
Sa isang pahayag, sinabi ng Provincial Tourism Office na maari nang magrehistro ang mga nais mamasyal sa Zambales Visitor Information and Travel Assistance o VIS.I.T.A website- www.visita.zambales.gov.ph.
Ang mga pahihintulutan munang makapasok ay ang mga nasa edad 15 hanggang 65 taong gulang na galing sa mga lugar na nasa ilalim ngayon ng Modified General Community Quarantine.
Mahigpit ding ipapatupad ang “No Walk-In Policy” kaya pinapayuhan ang mga turista na magkaroon ng online pre-booking sa mga Department of Tourism and locally-accredited establishments bago magpunta sa Zambales.
Tiniyak naman ng Kapitolyo na ang mga personal na impormasyon na isusumite sa naturang website ay protektado ng Data Privacy Act of 2012.