48 oras iniutos para resolbahin ang pamamaril sa 2 barangay tanod sa San Miguel

Naglabas kahapon (Biyernes) ng derektiba si Mayor Roderick Tiongson ng San Miguel, Bulacan sa kaniyang hepe ng Kapulisan para resolbahin ang magkasunod na krimen na naganap nitong Miyerkules ng gabi.

Nabatid na inatasan ni Tiongson si San Miguel Chief of Police Lt.Col. Avelino Protacio II na resolbahin sa loob ng 48-oras ang insidente ng pamamaril sa dalawang barangay Tanod ng Sta. Ines na sina Noli Ramos at Pascual Aquino bandang 6:30 ng gabi.

Kinilala ang mga sugatang barangay tanod na sina Noli Ramos, 40, at Pascual Aquino, 53, kapwa residente ng Sitio Balucok, Barangay Sta. Ines.

 Magugunita na noong gabi ng Miyerkules bandang alas-6:30 habang nagsasagawa ng ronda ang mga ito ay biglang dumating ang 2 armadong lalaki sakay ng motorsiklo at sunod-sunod silang pinaputukan at pagkaraan ng pamamaril ay mabilis na tumakas.

Ang dalawa ay kasalukuyang nasa pagamutan matapos magtamo ng mga tama ng bala.

Ilang oras matapos ang unang insidente ay dalawang tauhan naman ni Mayor Tiongson ang tinutukan ng baril at inagawan ng motorsiklo habang tinatahak ang barangay ng Biak na Bato.

Natangay mula sa mga biktimang sina Ranier Ramirez 17-anyos at Ariel Dumapig ang isang Yamaha Aerox motorcycle.

Ayon kay Tiongson, nais niya na agad matukoy at madakip ang mga nasa likod ng nasabing mga insidente.

Ayon naman kay Col. Protacio, nagsasagawa na sila ng malalim na imbestigasyon hinggil sa mga nabanggit na insidente at mag-uulat sa mga development nito sa tanggapan ng alkalde sa loob ng itinakdang 48-oras.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews