Iniharap kahapon nitong Linggo ng umaga kay Chief PNP Police Director Gen. Guillermo Eleazar ang dalawang pangunahing suspek sa pagpaslang sa dalawang paslit na natagpuang kapwa walang buhay sa madamong lugar nitong Miyerkules ng umaga sa Barangay Graceville, City of San Jose Del Monte, Bulacan.
Sa report ni Bulacan Police director PCol Lawrence Cajipe kay Gen. Eleazar, ang mga suspek ay kinilala na si Romeo Ruzon, 41, mayasawa at ang stepson nito na isang 17-anyos at kapwa mga kapitbahay ng mga biktima.
Ang magkalarong biktima ay isang 8-taon gulang na lalaki at isang 11-anyos na babae at kapwa nakatira sa Barangay Gumaok East, CSJDM.
Nabatid na ang batang babaeng biktima ay hinihinalang ginahasa muna bago pinaslang sa pamamagitan ng paghampas sa ulo nito ng malaking tipak ng bato gayundin sa lalaking biktima.
Natagpuan ang bangkay ng dalawang paslit sa madamo at bakanteng lote na kapwa wala nang buhay.
Ayon kay Eleazar, ang suspek na si Ruzon ay naaresto sa Sampaloc, Manila habang ang menor de edad na suspek ay nadakip sa bahay nito sa CSJDM.
Nauna rito ay nagbigay ang Pamahalaang Lungsod ng SJDM ng P100k pabuya para sa ikadarakip ng mga suspek.