Dalawa ang kumpirmadong patay habang dalawa pa ang malubhang sugatan sa naganap na pagsabog sa loob ng Department of National Defense (DND) Arsenal sa Camp Gen. Antonio Luna, Barangay Lamao, Limay, Bataan, Mierkoles ng umaga.
Ayon sa ulat mula kay Bataan Police Director Col. Joel Tampis, nakilala ang mga biktimang namatay sa pagsabog na sina Ricardo Solomon, 40 anyos na taga-Orion at Marvin Tatel, 38 anyos na taga-Alangan, Limay, Bataan.
Samantala, malubhang nasugatan sa pagsabog sina Macreldo Rodriguez, 57 anyos at Allan Wisco, 36 anyos na kapwa taga-Lamao, Limay, Bataan.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, naganap ang pagsabog sa mixing composition building ng kampo kung saan ginagawa ang mga kemikal para sa bullet primer.
Ang mga biktimang namatay ang may hawak umano sa processing ng kemikal, habang ang mga sugatan naman ay nagkukumpuni sa hydraulics sa paggawa ng mga bala ng maganap pagsabog.
Dead on the spot ang biktimang si Tatel habang namatay sa DND Arsenal Infirmary ang biktimang si Solomon habang nila lapatan ng paunang lunas.
Ang DND Arsenal sa Bataan ay ang lugar kung saan ginagawa ang mga bala at explosives na gamit ng Armed Forces of the Philippines (AFP).