Naglaan ng P500,000 pabuya ang Pamahalaang Lungsod ng Malolos, Munisipalidad ng Guiguinto para sa makapagtuturo at ikadarakip ng suspek na pumaslang sa 24-anyos na dalaga na natagpuang patay sa isang bakanteng lote sa Barangay Tikay, Malolos City matapos ang limang araw na pagkakawala.
Unang nagbigay ng P300K reward si Malolos City Mayor Christian Natividad na sinundan ng tig-P100K nila Congressman Ambrosio Cruz Jr. ng 5th District at Guiguinto Mayor Agatha Cruz.
Ayon kay Natividad, ang pabuya ay makakatulong upang maresolba ang brutal na pagpaslang sa biktimang si Princess Dianne Dayor, residente ng Barangay Tikay.
Nabatid na huling nakita si Dayor papaalis ng bahay noong July 2 bandang alas-5:30 ng umaga paalis ng bahay para pumasok sa trabaho sa pinapasukang pabrika ng sapatos.
Mula noon ay hindi na nakabalik hanggang sa ika-apat na araw ay natagpuan na itong naaagnas sa isang madamong lote.
Ang biktima base sa inisyal na imbestigasyon ay sinakal na siyang naging dahilan ng pagkamatay gamit ang strap ng shoulder bag nito.
“Ruthless and senseless killings that perpetrator/s should all face the brutal force of law,” ayon kay Natividad.
“They (perpetrator/s) dont have a place in this civil society. Malolos is one and with all the law enforcement agencies that will extend the long arms of the law in finding justice in these unfortunate events,” dagdag ni Mayor Natividad.
Nauna rito, inatasan ni Governor Daniel Fernando si Bulacan PNP director PCol. Charlie Cabradilla ang pagsasagawa ng malalimang imbestigasyon upang madakip sa lalong madaling panahon ang responsable sa krimen.
Binigyan din ng gobernador si Cabradilla ng 48-oras para magreport sa resulta ng imbestigasyon kaugnay ng krimen at sinasabing mga missing persons.
Kasunod nito ay nagbigay din si Cong. Cruz at Mayor Cruz ng tig-P100K karagdagang pabuya sa sino mang informer na makapagbibigay ng impormasyon o pagkakakilanlan sa suspek.
Sa utos ni Cong. Cruz, hinihimay na ng Guiguinto Police ang bawat pangyayari bago naganap ang krimen mula sa pag-alis ng bahay ng biktima hanggang sa lugar kung saan natagpuan ang naaagnas nang katawan ni Dayor.
Personal ring binisita ng mambabatas kasama si Kapitan Celso Hernandez ang lugar kung saan natagpuan ang katawan ng biktima bago ito nagpunta sa pamilya at nakiramay.
Nakikipag-ugnayan na rin si LtCol Ferdinand Germino, hepe ng Malolos City PNP kay Guiguinto PNP chief na si LtCol. Luis Guisic para sa mas mapabilis ang isinasagawang imbestigasyon base na rin sa derektiba ni PD Col Cabradilla.
Samantala, nilinaw ni PD Col. Cabradilla na hindi series ng pagdukot ang ibang napabalitang nawawalang mga babae sa lalawigan ng Bulacan dahil nga sa ang mga reported missing ay nakabalik na ng kanilang mga tahanan rin.
Magugunita na unang naireport si Dayor na nawala noong July 2 kasunod na nawala si Kycee Reforsado, 17, taga Guiguinto noong July 3 at si Shella Mae De Guzman, 14, taga Calumpit noong July 4.
Ayon kay Cabradilla, si Reforsado ay nakauwi na nitong July 5 na hindi nagpaalam buhat sa swimming kasama ang barkada habang si De Guzman ay naglayas ngunit nakauwi na.
Ang karumaldumal na sinapit ni Dayor ay isolated case sa kaso ng 2 pang dalaga.