Anak ng dating pulis huli sa droga at armas

Arestado ang isang hinihinalang bigtime drug pusher na lalaki na anak ng dating pulis matapos mahulihan ng ibat-ibang uri ng armas at shabu sa loob ng kaniyang pamamahay sa Barangay Cullianin sa Plaridel, Bulacan kahapon ng hapon.

Kinilala ni Bulacan PNp provincial director Col. Emma Libunao ang inaresto na si Israel Jake Buhain, 35, nakatira sa nasabing lugar.

Ayon kay Libunao, bandang alas-2:30 ng hapon nang salakayin ng Plaridel Police sa pangunguna ni PLt.Col. Victorino Valdez hepe ng nasabing himpilan kasama ang mga opisyales ng Barangay Cullianin ang bahay ng suspek sa bisa ng Search Warrant na inisyu ni Judge Crisostomo Danguilan ng Branch 21 Regional Trial Court (RTC) City of Malolos.

Nakumpiska kay Buhain ang limang short firearms at tatlong long firearms (replica), mga bala at mahigit isang daang gramo ng shabu at cash na nagkakahalaga ng P160,840.00

Sinabi ni Libunao na bago ang raid ay naunang ikinasa ang buy bust operation at nang magpositibo ay agad kumuha sa korte ng search warrant.

“Hindi inaasahan ng ating mga pulis na ganito karami ang droga at mga baril na makukuha.. bigtime ito and most probably involved siya sa ibat-ibang illegal activities such as gun-running,” ani Libunao.

Tanging ang suspek at anak nito na 12-anyos lamang ang dinatnan ng mga operatiba sa bahay.

Ayon kay Brgy Capt. Crispin Sevilla, kasama sa drug watch list nila ang suspek kung saan ayon naman sa ina nito na si Gina, hindi niya alam ang ilegal na aktibidades ng kaniyang anak dahil palagi siya wala sa bahay.
Inhahanda na ang mga kaukulang kasong isasampa laban sa suspek.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews