LUNGSOD NG CABANATUAN — Humigit kumulang 900 residente sa bayan ng Pantabangan ang nabenipisyuhan sa libreng konsultasyong medikal at dental ng mga kasundaluhan ng Army 84th Infantry Battalion o 84th IB.
Ayon kay 84th IB Commanding Officer Lieutenant Colonel Honorato S. Pascual Jr, mananatili at magpapatuloy ang suporta ng hanay sa mga ganitong aktibidad na layong tumulong sa mga komunidad na nasasakupan.
Bukod sa libreng bunot ng ngipin at konsultasyong pangkalusugan ay namahagi din ng mga kagamitan sa eskwela, tsinelas sa mga estudyante gayundin ay mayroong libreng pagkain, gupit sa lahat ng mga lumahok sa aktibidad.
Katuwang ng mga kasundaluhan sa pagdaraos ng aktibidad ang mga pribadong asosasyon gaya ng Destura Construction at Mio Owners’ Republic.
Pinuri naman ni 7th Infantry Division Commanding General Major General Lenard Agustin ang naging programa na nagpapatunay sa pagtutulungan ng iba’t ibang tanggapan o stakeholders tungo sa paghahatid serbisyo at pagtugon sa pangangailangan ng mamamayang Pilipino.
Mananatili aniyang bukas at nakasuporta ang buong hanay sa mga ganitong aktibidad para sa mga nangangailangang kababayan.