Badyet ng Kapitolyo ng Bulacan sa 2020, aabot ng P5.7B

LUNGSOD NG MALOLOS — Umabot sa 5.7 bilyong piso ang badyet ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan para sa taong 2020.

Iyan ang magpopondo sa mga programa at proyekto alinsunod sa 2020 Annual Invesment Program na inaprubahan ng Provincial Development Council.

Ayon kay Gobernador Daniel R. Fernando, pinondohan ito sang-ayon sa kanyang mga prayoridad na nakalinya sa People’s Agenda 10. 

Sa loob ng nasabing halaga, 1.8 bilyong piso ang inilaan sa mga nakalinyang imprastraktura at iba pang prayoridad na pagawaing bayan. 

Una na diyan ang mga pagawain bilang suporta sa Edukasyon. Kabilang rito ang may 299 na mga silid-aralan na target ipatayo sa taong 2020 na nagkakahalaga ng 453 milyong piso. 

Para naman sa Bulacan Polytechnic College o BPC, na pinapangasiwaan ng Kapitolyo, magpapatayo ng dalawang palapag na Information Technology building sa punong sangay nito sa Malolos na nagkakahalaga ng 9 milyong piso. 

Magtatayo rin ng dalawang palapag na mini-hotel na magsisilbing training rooms ng mga nasa kursong Bachelor in Technical-Vocational Teacher Education sa halagang 9 milyong piso. 

Isang Welding Building, na may pondong 1.2 milyong piso, ang ipapatayo sa sangay ng BPC sa lungsod ng San Jose Del Monte para sa mga kumukuha ng kursong Welding habang sisimulan na ang paglalatag sa annex campus ng BPC San Jose Del Monte na nilaanan ng 15 milyong piso.

May karagdagang tig-anim na silid-aralan ang idadagdag din sa mga sangay ng BPC sa Obando at Bocaue. 

Para sa patuloy na pagkakaloob ng mataas na serbisyong pangkalusugan, naglaan ng 58 milyong piso para sa paglalagay ng mga Sewerage Treatment Plant sa lahat ng mga pampublikong ospital na pinapatakbo ng Kapitolyo. 

Maglalaan ng 40 milyong piso para sa malawakang pagsasa-ayos sa mga pasilidad ng Bulacan Medical Center sa Malolos. Iba pa rito ang proyektong gagawin nang dalawang palapag ang Bulacan Provincial Blood Center na may pondong 20 milyong piso. 

Bukod sa lalong pagpapabuti ng serbisyo ng mga pampublikong ospital, mas palalawakin din ang iba’t ibang serbisyong panlipunan na popondohan mula sa Gender and Development Fund ng Kapitolyo. 

Kabilang diyan ang Population Program, Nutrition Program, First 1000 Days for Baby and Mommny, Early Childhood Care and Development, Tanglaw Pag-Asa Youth Rehabilitation Program, Self Employment Assistance, Solo Parent, Person with Disability, Senior Citizens, Balik-Probinsiya at mga pag-agapay sa mga bata. 

Sa mga imprastraktura, prayoridad ng Kapitolyo na mapailawan ang madilim na bahagi ng Manila North Road sa Malolos Terminal Hub hanggang sa boundary nito sa may Tabang, Guiguinto na nilaanan ito ng 23 milyong piso.

Nakalinya ring ipatayo ang 30 milyong pisong Legislative Building ng Kapitolyo kung saan ililipat ang Session Hall ng Sangguniang Panlalawigan at mga tanggapan ng mga bokal.

Nakatakda namang pagtayuan ng bubuhaying Farmers and Fisherfolks Training Center ang dating gusali ng Department of Education na nasa bakuran ng Kapitolyo. 

Dating nakatayo sa Donya Remedios Trinidad ang nasabing training center para sa mga magsasaka at mangingisda. May halagang 25 milyong piso ang itatayong proyekto. 

Ang People’s Agenda 10 ay kinapapalooban ng kalusugang pangkalahatan; mataas na kalidad ng edukasyon; masiglang ekonomiya na lilikha ng mga trabaho; masaganang pagsasaka; kumakalinga sa mahihirap at maralita; makabuluhang imprastraktura; pagsulong ng turismo at preserbasyon ng kultura at pamana; pangangalaga sa kalikasan; kapayapaan, kaayusan at seguridad; at mapanagutang pamamahala. (

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews