Bulacan International Airport, itatayo sa lupa at hindi sa reklamasyon

MARILAO, Bulacan — Nilinaw ng Department of Environment and Natural Resources o DENR na hindi magkakaroon ng isang reklamasyon sa Manila Bay sa nalalapit na pagtatayo ng Bulacan International Airport na kilala din bilang New Manila International Airport o NMIA.

Sa isang panayam, binigyang diin ni DENR Undersecretary Juan Miguel Cuna na itatayo sa 2,500 ektaryang kalupaan ng Bulakan, Bulacan ang NMIA at hindi magtatambak ng lupa sa Manila Bay para doon maitayo. 

Ang reklamasyon ay isang inheneriyang pamamaraan upang kuhanin ang isang bahagi ng anyong tubig upang maging isang kalupaan o maging bahagi ng lupa, sa pamamagitan ng pagtatambak.

Sinabi naman ni Environmental Management Bureau Regional Director Lormelyn E. Claudio na iyan ang dahilan kung bakit inaprubahan ng ahensya ang aplikasyon ng San Miguel Corporation o SMC para sa Environmental Clearance Certificate o ECC para sa land development. 

Binigyang diin pa ni Claudiona bukod dito, may isa pang ECC na ina-apply ang SMC para sa mismong konstruksyon ng paliparan. 

Ang naturang kumpanya ay siyang nakakuha ng konsesyon upang mamuhunan sa pagdidisenyo, pagtatayo at magiging operasyon ng NMIA.

Ito’y matapos pormal nang ilabas ng Department of Transportation ang Notice of Award para sa SMC, noong walang iba pang kumpanya ang nag-alok para itayo ang 735 bilyong pisong NMIA sa ginanap na Swiss Challenge. 

Ang NMIA ay may design capacity na 100 milyong pasahero kada taon na maaring ma-expand sa 200 milyon. Mayroon itong apat na parallel runways kung saan target ang 240 aircraft movements kada oras.

Kasabay na itatayo ang 8.4 kilometrong tollway na kokonekta sa naturang paliparan sa North Luzon Expressway sa bahagi ng Marilao.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews