Bulacan nakapagtala ng 346 bagong kaso ng Covid-19, 10 ang namatay

Bulacan nakapagtala ng 346 bagong kaso ng Covid-19, 10 ang namatay
Nakapagtala ang lalawigan ng Bulacan ng 346 bagong kaso ng Coronavirus 2019 (Covid-19), sampu rito ang iniulat na nasawi sa nakalipas na limang araw simula March 19-23, 2021.

Base sa datos ng Provincial Epidemiology and Surveillance Unit ng Bulacan Provincial Health-Public Health (PHO-PH), umabot na sa 14,895 ang kabuuan bilang ng confirmed cases kung saan 12,894 dito ang recoveries habang umabot na sa 502 ang namatay sa naturang dreaded disease.

Nabatid na sa kabuuang bilang sa nakalipas na limang araw ay 346 ang new covid cases kumpara sa 316 recovered habang nasa 10 na ang nasawi.
Nangunguna sa talaan ang City of San Jose Del Monte na mayroong 307 na active cases, 224  naman sa Lungsod ng Malolos habang 120 naman sa bayan ng Plaridel.

Nauna rito ay muling ipinatupad ng Lalawigan ng Bulacan ang curfew at liquor ban sa buong lalawigan kabilang ang pagbebenta, pagbiyahe, at pag-inom ng alak at iba pang nakalalasing na inumin sa paglalayong mapigilan ang pagtaas ng kaso ng COVID-19 sa lalawigan.

Ayon sa Executive Order No. 8, series of 2021 na inilabas ni Gobernador Daniel Fernando, kabilang din dito ang muling pagkakaroon ng mga border quarantine checkpoints at ipatutupad dito ang border control policies upang epektibong mapigil ang pagkalat ng COVID-19 sa mga kritikal na lugar sa lalawigan.

Lahat ng ito ay ipinapatupad bukod pa sa obligadong pagsunod sa minimum public health standards kabilang ang physical distancing, palagiang paghuhugas ng kamay, cough etiquette, at pagsusuot ng face mask at face shield sa lahat ng pagkakataon.

Sinabi ni Fernado na malaki ang magagawa ng mga simpleng hakbang na ito sa laban kontra COVID-19.Ibinalik na rin kaugnay ng derektiba ni Fernando ang 10 Quarantine Control Points (QCP) sa mga boundary ng Bulacan sa Nueva Ecija at Pampanga ngayong muling ipinailalim sa general community quarantine (GCQ) ang lalawigan hanggang sa Abril 4, 2021.

Ayon kay Police Coronel Lawrence Cajipe, provincial director ng Philippine National Police (PNP) Bulacan Provincial Police Office, kabilang sa nilatagan ng QCP ang hangganan ng San Miguel, Bulacan at Gapan City, Nueva Ecija; Candaba, Pampanga at Baliwag, Bulacan; Calumpit, Bulacan at Apalit, Pampanga at ang sa Barangay San Pascual sa Hagonoy, Bulacan at Sapang Kawayan sa Masantol, Pampanga.

Para matiyak na walang lulusot na papasok sa Bulacan na hindi natukoy bilang mga Authorized Person Outside Residence o APOR, nilagyan din ng QCP ang mga exits ng North Luzon Expressway (NLEX) sa Pulilan, Sta. Rita sa Guiguinto, Bocaue main, Ciudad De Victoria sa nasabi ring bayan, Marilao at Meycauayan main.

Sa hangganan ng Calumpit, Bulacan at Apalit, Pampanga; isa-isang sinusuri ang mga sakay ng bawat sasakyan kung sila ay APOR gaya ng mga kawani at opisyal na pamahalaan na bahagi ng lokal na Inter-Agency Task Force (IATF), mga manggagawa sa pribadong sektor, medical at hospital frontliners.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews