CSC-3, kinilala ang Seal of Excellence Awardees ng Gitnang Luzon

LUNGSOD NG SAN FERNANDO — Pinarangalan kamakailan ng Civil Service Commission o CSC Region III, sa pamamagitan ng Honor Awards Program, ng Citizen’s Satisfaction Center Seal of Excellence Award ang mga natatanging ahensya ng gobyerno sa Gitnang Luzon.

Ayon kay CSC Regional Director Nelson Sarmiento, layunin nito na bigyang inspirasyon ang bawat empleyado ng gobyerno na pataasin pa ang kalidad ng kanilang trabaho at paninilbihan sa publiko.

Aniya, ito ay parangal na binibigay sa mga tanggapan na nagpamalas ng kahanga-hangang frontline service sa publiko.

Nagkakamit ang mga awardees ng wall-mountable glass seal na may “Seal of Excellence” logo na sumisimbolo sa kahusayan.

Kabilang sa mga Three Star Awardees ngayong taon na tumanggap ng wall-mountable glass seal ang Home Development Mutual Fund o HDMF Balanga Member Services, Land Transportation Office o LTO Angeles City District Office, at Government Service Insurance System o GSIS Iba Extension Office.

Samantala, Four Star Awardees naman na tumanggap ng glass seal at tig 25 libong piso ang Philippine Health Insurance Corporation o PHIC Local Health Insurance Office Balanga Branch, Social Security System o SSS Tarlac Branch, SSS San Jose City Branch at GSIS Tarlac City Branch.

At panghuli, nagtamo ng pinakamataas na rating na Five Star at tumanggap ng glass seal at 100 libong piso ang GSIS Pampanga Branch, GSIS Cabanatuan Branch, GSIS Malolos Branch, SSS Malolos Branch, HDMF Angeles Member Services Branch, at HDMF SM Pampanga.

Ang naturang parangal ay taunang pagkilala ng komisyon sa mga empleyado at opisyal ng gobyerno na nagpakita ng natatanging performance sa trabaho. (CLJD/TJBM-PIA 3)

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews