LUNGSOD NG MALOLOS — Sari-saring ayuda, tulong, proyekto at programa ang inihatid ni Agriculture Secretary William Dar sa kanyang pagbisita sa Bulacan.
Umabot ito ng halagang 960.5 milyong piso para sa sektor ng pagsasaka sa Bulacan sa ilalim ng proyektong ALPAS o Ahon Lahat, Pagkain Sapat kontra COVID-19.
Layunin nito na patuloy na maagapayan ang mga magsasaka at mangingisdang Bulakenyo sa produksyon ng pagkain ngayong nararanasan pa ang pandemya ng COVID-19.
Ayon kay Provincial Agriculturist Gloria Carillo, may inisyal na 300 benepisyaryo ang nakinabang at makikinabang sa mga ibinabang programa.
Pinakamalaki rito ang 346.8 milyong piso na ipinagkaloob ng DA sa mga magbababoy sa Bulacan na naapektuhan ng African Swine Flu o ASF.
Ayon kay Provincial Veterinarian Voltaire Basinang, nakapaloob dito ang pamamahagi ng 500 mga batang Baka, 400 na mga Kalabaw, 500 na mga Kambing at 1500 na mga paituluging Manok.
Ipinaliwanag niya na ito ang alternatibong ipinagkaloob ng DA dahil bawal pang magparami ng Baboy ngayong hindi pa nasusugpo ang ASF.
Sinundan ito ng halagang 291 milyong pisong halaga ng mga Farm-to-Market Roads o FMR sa iba’t ibang bahagi ng Bulacan.
Partikular rito ang inilalatag na FMR sa bayan ng San Ildefonso na dadaanan ang mga bukirin ng Palay at malalawak na gulayan sa bayan.
Ang 120.5 milyong piso ay inilaan sa Rice Resiliency Project ng DA upang makapagpamahagi ng mga pataba at binhi sa may 35 libong magsasaka ng Palay sa Bulacan.
Layunin nito na lalo pang mapataas ang ani ng Palay sa 16.4 porsyento at matiyak ang seguridad sa pagkain ng karaniwang pamilyang Pilipino ngayong may pandemya pa.
Iba pa rito ang mga pondo mula sa Rice Competitiveness Enhancement Fund o RCEF na nakatutok sa pagkakaloob ng mga makinaryang pangsaka, binhi at training.
Sa farm mechanization na nilaanan ng 42.4 milyong piso, kabilang diyan ang anim na Four-Wheel Drive Tractors, anim na Combine Harvesters; 27 yunit ng Swallow Tube Wells, tig-dalawang Recirculating Dryers at Mobile Flash Dryers at pagtatayo ng apat na warehouse.
Mayroon pang 32.8 milyong piso para sa mga karagdagang binhi mula sa Philippine Rice Research Institute.
Ang 54.9 milyong piso naman ay para sa regular na Rice Program. Ito’y bilang suporta sa pagtulong sa mga magsasaka ng Palay sa paggamit ng iba’t ibang makabagong pamamaraan ng pagtatanim.
Nilaanan din ng 887 libong piso para sa farmers’ training na ipapatupad ng Agricultural Training Institute.
Ang pondo ng RCEF ay mula sa buwis na nasisingil sa ipinataw na Taripa sa mga inaangkat na Bigas alinsunod sa Republic Act 11203 o ang Rice Tariffication Law na ayon kay Dar ay unti-unti nang natatamo ng karaniwang mga magsasaka ang mga benepisyo nito.
Nakatanggap din ng 575 libong pisong biyaya ang mga magmamais sa Bulacan na kalakip ang limang Shallow Tube Well at isang unit ng Corn Husker Sheller.
Sa sektor ng pangingisda, may ipinagkaloob na 32 milyong pisong halaga ng mga proyekto ang Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR.
Pangunahin dito ang 51 milyong piraso na Bangus Fry fingerlings sa mga mangingisdang taga-Meycauayan, Bulakan, Malolos, Paombong at Hagonoy. Kasama rito ang dalawang units ng Hatchery-Reared Milkfish Nursery in Earthen Pond.
Iba pa rito ang 700 libong piraso ng Tilapya Fingerlings na Sex Reversal Size 22, 700 libong piraso ng Tilapya Fingerlings na Sex Reversal Size 14 at 300 libong piraso ng Size 22 na Saline Tilapya Fingerlings.
May kasama itong isang unit ng Tilapya Culture with Nursery Operation at isang yunit ng Tilapya Hatchery Artificial Incubation System.
Kaugnay nito, nagkaloob din ang BFAR ng mga karagdagang makabagong kagamitan para sa mga mangingisda gaya ng 160 units ng French technology na Solar Lamps, 66 na lambat pangisda, 16 na units ng Marine Engine at 13 Tribike para sa mga mangingisda na nais maglako ng kani-kanilang mga huli na may kasamang Fish Vending Equipment.
Samantala, binigyang diin ni Dar na ang mga biyayang ito na ipinagkaloob ng DA sa mga magsasaka at mangingisdang Bulakenyo ay pauna pa lamang.
May mga darating pa aniyang mga biyaya para sa sektor ng pagsasaka sa ilalim ng Republic Act 11494 o ang Bayanihan to Heal as One Act.