Dokumento ng tunay na kinamatayan ni Marcelo, inilabas

BULAKAN, Bulacan — Paulit-ulit na ikinukwento tuwing anibersaryo ng pagkamatay ng bayaning si Marcelo H. Del Pilar, na namatay siya habang nakaupo at pilit na nagsusulat.

Sa paggunita ng mga Bulakenyo sa Ika-123 Taon ng Kamatayan ni Marcelo, iprinisinta ng historyador na si Propesor Crisanto Cortez ang partikular na dokumento na nagkukumpirmang sa isang ospital namatay ang bayani. 

Ayon sa kanya, dalawa ang pangunahing dokumentong magpapatunay dito na pawang mga nakatala sa Civil Registry ng Distrito del Hospital de ciudad de Barcelona. 

Isinasaad doon na namatay si Marcelo noong Hulyo 4, 1896 bandang ala-1:15 ng madaling araw dahil sa sakit na Tuberculosis. 

Ang mga tala naman sa Hospital dela Santa Cruz na nagpapatunay ng kanyang kamatayan sa dalawang aklatang pangrehistro, ay nasa Libro de Defunciones at sa Registro de Entradas de Enfermos. Kung isasalin sa wikang Filipino ay talaan ng mga pumasok sa ospital o listahan ng mga naospital.

Mayroon ding sertipiko ng kamatayan ni Marcelo na naibigay noong 1995 sa Arkibo ng Archdiocesan ng Barcelona. 

Ayon kay, mas detalyado ito dahil mababasa pati kung saang kwarto at saang palapag ng ospital namatay ang bayani.

Mababasa din na pang 2,041 pasyente si Marcelo nang ipaospital siya ng mga nagmamalasakit na kaibigang Pilipino sa Barcelona, noong Hunyo 20, 1896. Nasa unang palapag ang kanyang kwarto na ang kama ay may bilang na numero 11. Tinatawag na Santo Tomas ward ang kanyang silid sa ospital. 

Inilibing ang mga labi ni Marcelo sa isang apartment type na libingan sa Barcelona. 

Disyembre 3, 1920 nang naiuwi sa Pilipinas ang kanyang mga labi at inilibing naman sa Cementerio del Norte o ang ngayo’y Manila North Cemetery. Hanggang maiuwi sa kanyang bayang sinilangang Bulakan, Bulacan sa araw ng kanyang kaarawan, Agosto 30, 1984. 

Noong 1997, sa bisa ng Executive Order 5 ni noo’y Pangulong Fidel V. Ramos, napabilang si Marcelo sa listahan ng mga kinikilalang mga pambansang bayani ng Pilipinas.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews