LUNGSOD NG SAN JOSE — Isa ang lungsod ng San Jose sa dinayo ng Department of Trade and Industry o DTI upang siyasatin ang ilang mga hardware stores.
Ayon kay DTI Nueva Ecija Consumer Protection Division Chief Romeo Faronilo, nagpadala ang kanilang punong tanggapan ng listahan ng mga establisimento na dapat siyasatin sa lalawigan.
Kabilang rito ang tig-isang tindahan mula sa lungsod, bayan ng Talavera at Zaragoza na tinungo ng tanggapan.
Matapos ang mga isinagawang pagtitimbang at pagsusukat ng mga kagamitan ay ipinahayag ni Faronilo na pasado sa kalidad ang mga itinitindang steel bar sa mga naturang tindahan gaya ang 12mm steel bar na dapat ay nasa bigat na 5.0083kg – 5.6477kg.
Ang 10mm steel bar naman ay dapat may bigat na 3.472kg-3.9177kg samantalang dapat ay may bigat na 8.89992 – 10.03608 ang 16mm steel bar.
Paglilinaw ni Faronilo, mahalagang malaman ng mga negosyante na pasado sa kalidad ang mga itinitinda nilang produkto para sa proteksiyon at kaligtasan ng mga mamimili.
Kaniyang paalala sa lahat ng mga establisimento, huwag magbakasakali bagkus ay tiyaking dekalidad ang mga produktong inilalako sa merkado at kung maaari ay sukatin o kaya ay timbangin ang mga tinatanggap na paninda.
Mayroon aniyang kaakibat na penalty para sa mga mahuhuling nagtitinda ng mga substandard na produkto, depende sa bigat ng paglabag sa ipinatutupad na polisiya.
Dagdag na pahayag ni Faronilo, bukod sa mga pagkain o pangunahing bilihin ay sinisiguro ng DTI na regular ang pagsisiyasat sa mga produktong nasa ilalim ng mandatory certification gaya ang mga materyales sa pagtatayo ng gusali, mga kasangkapan sa bahay at iba pa na dapat ay umaayon sa Fair Trade Laws.
Maliban pa rito aniya ang mga isinasagawang panawagan ng tanggapan sa mga himpilan ng radyo at telebisyon upang maipaalam sa mga kababayan ang kahalagahan ng tamang pamimili at pagsuri sa mga binibiling produkto.