Ipinasa nang Bicameral Conference Committee ang Mobile Number Portability (MNP) bill na inaasahang papalakasin ang kumpetisyon sa industriya ng telekomunikasyon sa bansa.
Ayon kay Rep. Victor A. Yap (2nd District, Tarlac), pag naging batas na ang MNP, maari ng lumipat ang isang subscriber sa ibang mobile network ng hindi pinapalitan ang kanilang phone number.
“Game-changing ang batas na ito dahil mas-magkakaroon ng kalayaang pumili ang mga tao kung anong mobile network ang gusto nilang gamitin. Dahil hindi na nila kailangang pag-sabihan ang mga kakilala nila na meron na silang bagong phone number at mag-update ng mga importanteng forms,ibabase na lang ng mga subscribers ang desisyon nila sa kalidad ng serbisyo ng isang network,” sabi ni Yap.
Dagdag pa ni Yap, dahil sa probisyon ng panukalang batas na ipagbabawal ang pag-pataw ng interconnection fee ng mga mobile networks, hindi na kailangan mag-alala ang mga tao na higit na mababawasan ang kanilang load kung sakaling mag-text o tumawag sila sa isang numero na nasa ilalim pala ng ibang network.
Bilang Chairman ng Information and Communications Technology (ICT) Committee ng Kamara, isa si Yap sa mga pangunahing sumuporta sa batas. Siya rin ang naging sponsor ng MNP noong ito ay pinag-dedebatihan pa sa Kamara.
Base sa plinaplanong batas, magiging responsibilidad ng Recipient Provider, o Public Telecommunication Entity (PTE) na nais lipatan ng isang subscriber, na alertohan ang Donor Provider o ang network na kasalukuyang ginagamit ng isang consumer. Pagkatapos nito, kakailanganin ng Donor Provider magpadala ng notice of clearance sa Recipient Provider upang ma-clear at tuluyan ng mailipat ang numero ng isang subscriber sa kanilang bagong network.
Kung may nanatiling bayarin ang isang subscriber, bibigyan naman sila ng tatlong araw para bayaran ito.
Ang mga naging miyembro ng bicameral conference committee ay sina Rep. Victor Yap, Rep. Virgilio Lacson (Manila Teachers Partylist), Rep. Eric Olivarez (1st District, Parañaque City), Sen. Sherwin Gatchalian, at Sen. Nancy Binay.
Pinagsamasama ng Mobile Number Portability Act ang mga House Bill Numbers 2873, 5195, 5765, 6563, 7148, 7281 and 7359 na i-finile nina Rep. Victor A. Yap (2nd District, Tarlac), Rep. Lord Allan Q. Velasco (Lone District, Marinduque), Rep. Wes Gatchalian (1st District, Valenzuela), Rep. Carlos Isagani Zarate (Bayan Muna), Rep. Alfred Vargas (5th District, Quezon City), Rep. Luis Raymund Villafuerte, Jr. (2nd District, Camarines Sur), Rep. John Marvin Nieto (3rd District, Manila), at ang Senate Bill Numbers 1636 at 1237na i-finile ni Sen. Sherwin Gatchalian.