LUNGSOD NG CABANATUAN, Mayo 14 (PIA) — Hangad ng pamahalaang panlalawigan na gawing handa ang buong Nueva Ecija sa mga haharapin pang hamon sa coronavirus disease o COVID-19.
Ito ay may kaugnayan sa ipinasang kahilingan ng Nueva Ecija sa pamahalaang nasyonal na isailalim muna ang buong lalawigan sa Modified Enhanced Community Quarantine o MECQ matapos ang Mayo 15.
Ayon kay Governor Aurelio Umali, layunin ng isinagawang hakbang na pangalagaan ang kapakanan ng buong lalawigan na maging handang mabuti sa maaari pang epekto ng COVID-19.
Aniya, ang MECQ ay mayroong kaunting kaluwagan ngunit may mga patakarang naglilimita sa mga maaari lamang lumabas para maghanapbuhay at magbukas na industriya.
Sa ilalim aniya ng naturang patakaran ay maaaring pumasok ang halos 50 porsyento ng mga kawani ng pamahalaan gaya sa mga lokalidad upang paunti-unting maibalik ang serbisyo ng mga tanggapan.
Paglilinaw ni Umali, sa paggawa ng desisyon ay kailangang dahan-dahan dahil hanggang ngayon ay mayroon pang alinlangan at hindi pa nakasisiguro sa mga maaari pang maging epekto ng kasalukuyang krisis.
Aniya, ang pagpasa ng kahilingan ay kinonsulta sa iba’t ibang tanggapan o sektor sa lalawigan pangunahin sa mga kapwa tagapamuno sa mga bayan at siyudad na nasasakupan, mga frontline workers sa ospital, mga kapulisan at mga ahensiya ng gobyerno nasyonal na mga katuwang na nagseserbisyo sa bayan.
Panawagan ng punong lalawigan ay maunawaan ang mga pagsusumikap nila upang gawing handa ang buong probinsya.