Pulis sugatan sa Bulacan hostage drama

Sugatan ang isang pulis makaraang makipagbarilan sa isang drug suspek na nang-hostage mismo sa kaniyang asawa at dalawang anak kamakalawa ng gabi sa Barangay Citrus sa Lungsod ng San Jose Del Monte sa lalawigan ng Bulacan.

Kinilala ni Bulacan Police director Col. Chito Bersaluna ang sugatang pulis na si Patrolman Rusco Virnar Alcaraz Madla, na nakatalaga sa Warrant Section and Intelligence Operatives ng CSJDM Police Station habang ang suspek naman ay kinilalang si Julito Fernandez alias “Bunsoy” ng nasabing lugar.

Matiwasay namang sumuko ang suspek at ligtas naman na-rescue ang pamilya nito.

Base sa panimulang imbestigasyon, nagsagawa ng buy bust operation ang nasabing operatiba laban sa suspek sa Barangay Citrus  subalit agad na natunugan nito na pulis ang kaniyang katransaksyon kayat pinutukan niya ito ng baril at mabilis na tumakas.

Umuwi ang suspek sa bahay nito subalit mabilis siyang nasundan ng mga pulis na tumutugis sa kaniya at nang papalapit na ang mga otoridad ay pinaputukan ito ng suspek.

Tinamaan ng bala sa kaliwang hita si Patrolman Madla na agad na naisugod sa District Hospital ng CSJDM.

Nabatid pa na hinagisan ng granada ng suspek ang mga pulis na nakapalibot subalit suwerteng hindi ito pumutok hanggang sa hinostage na ng suspek ang kaniyang asawa at dalawang anak.

Umabot sa halos dalawang oras ang negosasyon bago matiwasay na napasuko ang suspek at payapang nailigtas ang pamilya nito.

Narekober sa crime scene ang isang .45 caliber at mga bala habang inihahanda naman ang mga kasong Frustrated Murder, Attempted Multiple Murder, Illegal Possession of Firearms and Explosives.

inihahanda naman ang mga kasong Frustrated Murder, Attempted Multiple Murder, Illegal Possession of Firearms and Explosives.