2 tiklo sa P9.7M halaga ng marijuana bricks sa Bulacan

 38 

CAMP GEN ALEJO S SANTOS, City of Malolos, Bulacan — Tinatayang mahigit sa P9.7 milyong halaga ng dried marijuana bricks ang nakumpiska ng mga awtoridad sa dalawang naarestong suspek sa isinagawang buy-bust operation ng Balagtas Police sa Northville Pabahay Village sa Barangay Santol, Balagtas, Bulacan nitong Linggo, Setyembre 4, 2022.

Sa report na tinanggap ni Police Regional Office 3 (PRO3) Regional Director PBGen. Cesar Pasiwen mula kay Bulacan Police Provincial Office (PPO) Acting Provincial Director PCol. Charlie Cabradilla, naaresto ang dalawang suspek na kinilalang sina Mark Lambert Bhobe ng Meycauyan City; at Angelo Llagas ng Barangay Gaya-Gaya, City of San Jose Del Monte.

Base sa panimulang imbestigasyon, isang buy-bust operation ang ikinasa ng Balagtas Police Station sa pamumuno ni PMaj. Michael Udal bandang alas-2:45 ng hapon sa nasabing lugar kung saan 81 bricks ng pinatuyong dahon ng marijuana na nasa 81,000 grams at nagkakahalaga ng P9,720,000.00 ang nakumpiska sa mga suspek.

“This is considered a big catch, hindi namin expected na ganito karami ang marerekober namin sa operasyong ito,” ayon kay Udal.

Nabatid na bago maaresto sina Bhobe at Llagas ay sa bayan ng Baliwag ang unang usapan kung saan ang drop-off ng mga order na marijuana pero bandang huli ay sa bayan ng Balagtas nagtapos ang transaksyon at dito na sila naaresto ng nagpanggap na police buyer.

Ayon pa kay Udal, ang mga narekober na marijuana ay nakabalot ng plastic na packing tape at nakasilid sa tatlong sako na nakatago sa isang bakanteng unit ng “Pabahay” sa Northville village.

Ang dalawang suspek at mga ebidensiya ay dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit for examination habang inihahanda na ang kaukulang kaso na isasampa laban sa mga suspek.

Leave a Reply

Your email address will not be published.