Boat captain sa Bataan, patay sa ‘warning shot’ 

Binawianng buhay ang boat captain ng isang fishing boat makaraan umanong aksidenteng mabaril ng isang pulis sa kasagsagan ng habulan ng mga mangingisdang tumatakas umano at ng seaborne patrol sa karagatang sakop ng Limay, Bataan, nitong Lunes. 

Sa inisyal na ulat ng Limay police, kinilala ang biktimang namatay na si Felicito Felonia, 56 anyos, residente ng Laguna, at boat captain ng FB Ara Adi.

Nabatid sa imbestigasyon na sinita umano ng seaborne patrol kasama ang dalawang PNP personnel at dalawang bantay dagat ang biktima kasama ang 11 pang mga kapwa mangingisda dahil sa paggamit umano ng active gear at sudsod sa kanilang pangingisda. 

Mabilis umanong pumihit para tumakas ang naturang fishing boat kaya’t hinabol umano ito ng seaborne patrol at nagpaputok umano ng “warning shot” ang isang hindi pinangalanang police personnel. 

Sa kasamaang palad ay tinamaan ang nabanggit na boat captain na naisugod sa Limay Emergency Unit ngunit naideklarang DOA. 

Nagpapatuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil dito habang ang 11 mangingisda ay nasa kustodiya ng Limay PNP.

Nadisarmahan na rin ang pulis na suspek at  nasa kustodiya na rin ng Limay PNP.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews