Bong Go binsita ang konstruksyon ng Super Health Center sa Pandi

PERSONAL na binisita at inispeksyun ni Senator Bong Go ang kasalukuyang konstruksyon ng Super Health Center sa bayan ng Pandi kasama ang lokal na opisyal dito sa pangunguna ni Mayor Enrico Roque at ang mga bumubuo ng Sangguniang Bayan noong Lunes, Disyembre 12, 2022.

Nasa kabuuang 14 na Super Health centers na aaabot sa P161 milyon halaga o P11.5 milyon bawat isa ang itatayo sa lalawigan ng Bulacan.

Ito ang inanunsiyo ni Go na siyang Senate Committee on Health sa senado matapos inspeksyunin ang konstruksiyon ng unang Super Health Center sa Bulacan na matatagpuan sa Barangay Bunsuran sa Pandi, Bulacan noong Lunes, Disyembre 12, 2022.

Aniya, pito ang pinondohan sa ilalim ng National Budget ng  2022 at ang mga ito ay matatagpuan sa mga bayan ng Bulakan, Guiguinto, Balagtas, Lungsod ng Meycauayan, City of San Jose Del Monte, San Miguel at sa Pandi. 

Habang ang mga  itatayong Super Health Center sa mga bayan ng San Ildefonso, San Rafael, Baliwag, Plaridel, Marilao, Obando at Angat ay inilaan sa 2023 National Budget.

“Ang Super Health Center is a medium type polyclinic that will be ran by the local government unit,” ani Go.

Ayon sa senador, pangunahing layunin nito na higit na mas mailapit sa mga mamamayan karaniwang hindi nakakatamo ng mga serbisyong pangkalusugan dahil malayo sa mga pagamutan.

Bukod sa nakagisnan na isang health check-up facility, uubra na ritong manganak, magpabunot ng ngipin at magpa-dialysis na may kumpletong kagamitan at mga health professionals ang mag-aasikaso sa bawat pasyente.

Dinisenyo rin ang pasilidad na flexible sa iba’t ibang uri ng gamutan sa hinaharap na mga panahon.

Kaugnay nito, nagpahayag naman si Pandi Mayor Enrico Roque na handa ang pamahalaang bayan na pangasiwaan ang itinatayong Super Health Center dito kapag nabuksan na. 

Ayon kay Roque, sisikapin nilang mapangalagaan ang pasilidad at matiyak na pakikinabangan ng maraming pang henerasyon ng mga taga-Pandi at kalapit na mga bayan.

Leave a Reply

Your email address will not be published.