LUNGSOD NG MALOLOS — Nahalal si kasalukuyang Bise Gobernador Daniel R. Fernando bilang bagong Gobernador ng Bulacan.
Base sa datos na inilabas ng Provincial Board of Canvassers, nakakuha siya ng botong 706, 903 habang ang pinakamalapit niyang nakalaban na si Malolos City Mayor Christian D. Natividad ay may 406,366 boto.
Sa kanyang proklamasyon, sinabi ni Fernando na prayoridad niya sa unang 100 araw ang pagpaparami ng mga iskolar ng Pamahalaang Panlalawigan at pagpapalawak ng naaabot ng mga medical at dental missions.
Tiniyak din ng bagong halal na Gobernador na aasikasuhin niya agad ang rehabilitasyon ng pabagsak nang tulay ng Tawiran sa pagitan ng mga hangganan ng Obando at Bulakan.
Posible aniyang maisakatuparan ito dahil 6 bilyong piso ang panlalawigang badyet ng Kapitolyo para sa taong 2019. Target din niyang maiangat pa sa 8 bilyong piso ang panlalawigang badyet sa taong 2020.
Samantala, naiproklama din si kasalukuyang Gobernador Wilhelmino Sy Alvarado bilang bagong Bise Gobernador. Nakakuha siya ng 812,859 boto habang ang nakalaban nitong si Bokal Anjo Mendoza ay nakakuha ng 426,006 boto. – PIA 3