Drug suspect sugatan sa Bataan buy-bust

 10 

Sugatan ang isang dating municipal marshall makaraang manlaban ito sa mga otoridad sa isang buy bust operation sa Brgy. Binaritan, Morong, Bataan kaninang 2:45 ng hapon nitong Sabado. 

Sa report mula sa Morong PNP, kinilala ang suspek na si Romnick Flores, 31 anyos, dating municipal marshall at nakatira sa Brgy. Poblacion, Morong, Bataan.

Nabatid sa imbestigasyon na tinangka umanong agawin ng suspek ang baril ng isang pulis na nagpanggap na buyer (poseur buyer) hanggang sa kapwa sila bumagsak sa lupa at nabaril ang biktima sa paa nito. Maagap ang naging aksyon ng kasamahang pulis at kaagad na naaresto ang suspek na mabilis na naisugod sa Morong Municipal Health Center para sa first aid treatment.

Nakuha sa kanya ang 3 plastic sachets ng suspected shabu at P1,000 bill marked money.

Paglabag sa Sections 5 at 11 Article 2 ng RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act at direct assault upon an agent of a person in authority ang mga kinakaharap na kaso ng biktima. (MHIKE CIGARAL)