Emergency Subsidy ng DSWD, sinimulan nang ipamahagi sa Aurora, Tarlac

LUNGSOD NG TARLAC — Sinimulan nang ipamahagi kahapon sa Aurora at Tarlac ang ayuda ng Department of Social Welfare and Development o DSWD sa ilalim ng Emergency Subsidy Program o ESP.

Sila ang ikaapat at ikalimang probinsya sa Gitnang Luzon na nag-rollout ng pamamahagi ng naturang financial assistance na bahagi ng Social Amelioration Program o SAP ng pambansang pamahalaan alinsunod sa Republic Act 11469 o Bayanihan to Heal as One Act. 

Ayon kay DSWD Regional Director Marites Maristela, nagkakahalaga ang ayuda ng 6,500 piso para sa bawat mahirap na pamilya. Ito ay binatay sa umiiral na minimum wage sa rehiyon.

Ang mga paunang benepisyaryo sa Aurora ay 65 pamilya na mula sa bayan ng Baler habang 431 na mahihirap na pamilya naman ang sa Tarlac na mula sa mga bayan ng Ramos (252 pamilya) at Moncada (179 pamilya). 

Sinimulan nang ipamahagi kahapon sa Aurora ang ayuda ng Department of Social Welfare and Development sa ilalim ng Emergency Subsidy Program. (DSWD Region 3)
 

Samantala, patuloy pa rin ang pamamahagi ng ESP sa mga probinsya ng Bulacan, Pampanga at Nueva Ecija.

Sa Bulacan, 18,503 na pamilya na ang nakatanggap ng ayuda. Sila ay mula sa  Pandi (6,650 pamilya), Paombong (196 pamilya), Baliuag (6,244 pamilya), Doña Remedios Trinidad (68 pamilya), lungsod ng Malolos (721 pamilya), San Miguel (1,472 pamilya), San Rafael (2,027 pamilya), lungsod ng San Jose Del Monte (1,049 pamilya) at Bustos (76 pamilya). 

Sa Pampanga, 838 pamilya na ang tumanggap. Sila ay mula sa lungsod ng San Fernando (503 pamilya) at bayan ng Sta. Rita (335 pamilya).

At panghuli, 4,163 pamilya na ang nakatanggap ng tulong sa Nueva Ecija. Sila ay mula sa mga bayan ng Licab (440 pamilya), Zaragoza (1,188 pamilya), Talavera (1,753 pamilya) at General Natividad (782 pamilya). 

Paliwanag ni Maristela, ang mga pamilyang nakatanggap ng ESP ay kabilang sa impormal na sektor na walang pinagkakakitaan dahil sa pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine.

Sila rin ay may miyembrong kabilang sa alin mang bulnerableng sektor- senior citizens, persons with disability, buntis, solo parents, katutubo, homeless citizens, distress at repatriated Overseas Filipino Workers, magsasaka, mangingisda, self-employed, informal settlers at yung mga informal workers gaya ng drivers, kasambahay, construction workers, labandera at manikurista.

Bukod sa DSWD, may ayuda din sa ilalim ng SAP ang ibang ahensya tulad ng Department of Labor and Employment at Department of Agriculture. 

Inaasahang makukumpleto ang pamamamahagi ng ESP sa 1.8 milyong mahihirap na pamilya sa Gitnang Luzon ngayong ika-30 ng Abril. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews