LUNGSOD NG CABANATUAN — Iniulat ng Commission on Elections na naging mapayapa ang pagdaraos ng pambansa at lokal na halalan sa lalawigan.
Ayon kay Provincial Election Supervisor Jonalyn Sabellano, sa pangkabuuan ay maituturing na maayos, malinis, mapayapa ang naging halalan sa buong Nueva Ecija
Malaking tulong aniya rito ang mga guro, kapulisan, kasundaluhan at iba pang stakeholdersna nagbantay ng kaayusan sa pagboto ng mga nasasakupang mamamayan.
Bagamat nakaranas aniya ng aberya sa mga kagamitan na naging rason sa pagka-antala sa proseso ng pagboto at bilangan ay naging matagumpay ang naging okasyon sa Nueva Ecija.
Pahayag ni Sabellano, mula sa 1,901 clustered precincts sa buong lalawigan ay nasa 14 na SD Cards ang dinala sa regional hub sa Pampanga upang maisaayos at maituloy ang pagpapasa o bilangan ng boto.
Ito din aniya ang dahilan kaya’t naantala ang proklamasyon para sa mga nagwaging kandidato sa lalawigan na natapos lamang nitong Miyerkules.
Paglilinaw ni Sabellano, maituturing na isolated case ang naging tapatan ng mga taga-suporta sa mga kumakandidato sa bayang Jaen na kaagad namang naresolba ng mga kapulisan.
Kaniya ding ipinahayag na siya mismo ay patotoo na mayroon ng pagbabago sa mga mamamayan at sistema sa politika sa Nueva Ecija ngayon, malayo sa imaheng magulo tuwing ganitong panahon ng eleksyon.
Sa kabila ng imahe ay maayos at mapayapang nakapagdaraos ng halalan sa Nueva Ecija dahil sa mga taong marurunong sumunod sa mga panuntunang ipinapasa ng tanggapan.
Kaugnay nito ay lubos ang pasasalamat ni Sabellano sa lahat ng mga umagapay at sumuporta sa pagtatagumpay sa buong panahon ng eleksyon sa lalawigan. – PIA 3