Hermosa DA webinar nagturo sa agrikultura

HERMOSA, Bataan — Pinangunahan ni Hermosa First Lady, Atty. Anne Inton ang pamamahagi kamakailan ng Certificates of Participation sa mga nagtapos sa Webinar Series ng Department of Agriculture (DA).

Isinagawa ang training noong Hunyo 23 hanggang July 28, 2020 kung saan itinuro ang mga sistematikong pamamaraan sa pagtatanim ng iba’t ibang klaseng gulay. 

Kinatawan ni Atty. Inton ang kanyang kabiyak na si Mayor Jopet inton kasama si Jayson Micua ng Agricultural Training Institute Regional Training Center III, DA Coordinator ng Regional Training at Enrico Puno, agricultural technologist ng Hermosa Municipal Agriculture Office.

Bukod dito ay namahagi din ang Department of Agriculture ng starter kits sa mga nagtapos sa webinar series kagaya ng pala, asarol, rigadera, at iba pang farming tools. 

Ayon kay Mayor Jopet Inton patuloy ang paghikayat ng gobyerno katuwang ang mga lokal na tanggapang pang agrikultura, sa mga may mga nakatiwangwang na lupa lalo na ngayon sa panahon ng krisis na magtanim ng mga gulay para makatulong sa food security ng bansa.