Jodi, ipapamukha kay Sue ang panlalandi ni Zanjoe

Sukdulan na ang gigil ni Jill (Jodi Sta. Maria) para maprotektahan ang kanyang dignidad at anak niyang si Gio (Zaijian Jaranilla) sa umiinit na mga eksena sa huling tatlong linggo ng “The Broken Marriage Vow: The Shocking Part” sa Kapamilya Channel, A2Z, at TV5.

Iniisa-isa na ni Jill ang kanyang mga bagong diskarte upang mapalayo sa dati niyang asawang si David (Zanjoe Marudo) dahil hanggang ngayon, ginugulo pa rin nito ang buhay ng mag-ina. Nilalamon na kasi si David ng kanyang kahibangan kasi hindi niya matanggap na naisahan siya ni Jill at maski ang anak niyang si Gio ay kinasusuklaman siya.

Habang patuloy ang panloloko at pagsisinunggaling ni David, desidido si Jill na ipamukha kay Lexy (Sue Ramirez), ang asawa ni David, na hindi pa rin ito nagbabago. Una nang inamin ni Jill kay Lexy na may nangyari sa kanila ni David at balak naman ngayon ni Jill na ilantad ang lahat ng baho ng dati niyang asawa.

Mapa-praning naman si Lexy sa mga kalokohan ni David at unti-unting guguho ang kanyang mundo. Hindi rin papayag si David na magmukha siyang talunan kaya gagawin pa rin niya ang lahat upang kontrolin ang buhay nina Jill at Gio, at manipulahin ang relasyon niya kay Lexy.

Samantala, sunod-sunod na mga dagok ang haharapin ni Gio dahil patuloy siyang maiipit sa alitan ng kanyang mga magulang habang hindi pa siya nakakamove-on sa eskandalong kinasasangkutan niya sa eskwelahan.

Makuha kaya ni Jill ang inaasam niyang tahimik na buhay kasama si Gio? Matauhan na kaya si Lexy sa mga kalokohan ni David?

Bukod sa iWantTFC at Viu, nasusubaybayan ang “The Broken Marriage Vow” mula Lunes hanggang Biyernes, 9:20 PM sa Kapamilya Channel, A2Z, TV5, at Kapamilya Online Live sa YouTube channel at Facebook page ng ABS-CBN Entertainment. I-rescan lang ang anumang digital TV box na ginagamit sa bahay, gaya ng TVplus box, para mapanood ito sa TV5 at A2Z. Mapapanood din sa labas ng Pilipinas sa pamamagitan ng iWantTFC at The Filipino Channel (TFC) sa cable at IPTV ang “The Broken Marriage Vow.”