Kaso ng Polio, maaari pang madagdagan

LUNGSOD NG CABANATUAN — Ipinahayag ng Department of Health Central Luzon Center for Health Development o DOH-CLCHD na maaari pang madagdagan ang mga kaso ng Polio.

Ayon kay DOH-CLCHD Medical Officer IV Janet Miclat, kung magiging mababa ang bilang ng mga tumanggap ng bakuna kontra Polio ay maaaring hindi mapigilan ang outbreak ng nasabing sakit.

Gayundin ay maaaring magresulta sa muling pagkakaroon ng kaso ng Polio sa mga darating pang taon. 

Sa kasalukuyan ay nasa ikalawang roundna ang isinasagawang Sabayang Patak Kontra Polio o SPKP sa rehiyon na layuning maabot ang kahit 95 porsyento o mas mataas pang bilang ng mga mabakunahang bata na nasa edad 0 hanggang 59 buwang gulang.

Ang nasabing kampanya ay matatapos sa ika-27 ng Setyembre taong kasalukuyan. 

Pahayag ni Miclat, posible pang masundan ang pagbibigay ng libreng bakuna sa mga bata na ibabatay sa magiging resulta ng ikalawang round ng SPKP, sa isinasagwang disease surveillance at rekomendasyon ng tanggapan. 

Kanyang panawagan sa mga magulang ay pabakunahan ang mga bata kontra Polio sa isinasagawang SPKP o kaya naman ay sa routine immunization. 

Paglilinaw ni Miclat, ang ibinibigay na bakuna sa SPKP ay iba sa tinatanggap ng bata sa routine immunization. 

Ang ginagamit aniya sa kampanya ay monovalent oral polio vaccine mula sa World Health Organization o WHO bilang responde sa kasalukuyang outbreak dulot ng Type 2 Polio virus gayundin ay dagdag proteksiyon sa inactivated at oral polio vaccine na parehong ibinibigay sa routine immunization.  

Sa oras na matapos ang programang SPKP ay ibabalik lahat ng mga nagamit at hindi nagamit na bakuna sa WHO. 

Ayon pa kay Miclat, maliban sa isinasagawang kampanya upang mapigil ang pagkakaroon ng kaso ng Polio ay patuloy ang surveillance ng tanggapan sa kaso ng Acute Flaccid Paralysis na maaaring humantong sa nasabing sakit gayundin ang regular na pagbibigay ng bakuna sa ilalim ng routine vaccination. 

Sa kasalukuyang talaan ng tanggapan ay umaabot na sa 65.48 porsyento ang nabakunahan sa SPKP na katumbas ay ang bilang na 882,055 mula sa kabuuang target na 1,347,005 na mga bata sa rehiyon. 

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews