SSS Luzon Central Division 2 kinilala ang mga top employers

LUNGSOD NG ANGELES — Kinilala ng Social Security System o SSS Luzon Central Division 2 ang mga top employers nito sa katatapos na 2018 Balikat ng Bayan Awarding Ceremonies na idinaos sa Holy Angel University.

Sinabi ni Divison Vice President Gloria Corazon Andrada na layunin ng aktibidad, na bahagi ng kanilang ika-61 anibersaryo, na parangalan ang mga employer na tumatalima sa mga probisyon ng Social Security Law tulad ng maayos na pag-uulat ng mga empleyado at pagbabayad ng mga kontribusyon sa tamang oras.

Ang mga pinarangalan ay pinili sa bawat SSS branch na nasasakupan ng dibisyon sa mga lalawigan ng Bulacan at Pampanga at lungsod ng Olongapo batay sa pagsunod Social Security Law.

Nanguna ang Syngular Distributor Inc. mula sa lungsod ng Meycauayan sa small account category.

Kinilala din sa ilalim ng kategoryang ito ang Boomerang Hotel, Amihan Medical Ventures Inc., Archer Realty and Development Corporation, Bow Ships Management, M.S. Mallari Construction, at Pacific Waves Resort Inc.

Samantala, ang NTI and JJV Transport Corporation naman mula sa Baliuag, Bulacan ang nag-uwi ng division title sa ilalim ng medium account category.

Kabilang din sa tumanggap ng parangal sa ilalim ng kategoryang ito ang Pacific Breezes Inc., Subic Bay Travelers Hotel and Event Center, Philippine Aminosan Corporation, at Oria Agrotech Inc.