RIZAL, Nueva Ecija (PIA) — Nagbabala si Rizal Mayor Trina Andres sa mga nagbabalak lumabag sa ipinatutupad na liquor ban sa bayan.
Ayon kay Andres, mahigpit pa ding ipinatutupad ang patakaran hanggat umiiral ang Enhanced Community Quarantine sa lokalidad.
Aniya, huhulihin ang sinumang lalabag na nagbebenta, bumibili o umiinom ng alak o mga inuming nakalalasing gayundin ay tatanggalan ng business permit ang mga establisimentong hindi susunod.
Kamakailan lang ay may nasampolan ang lokal na pamahalaan at mga kapulisan na mga indibidwal na nag-post pa ng larawan sa social media na nag-iinuman.
Bukod pa ang naiulat ng Nueva Ecija Police Provincial Office kahapon na pag-aresto sa dalawang indibidwal bandang alas-otso ng gabing dumaan sa checkpoint na mga naka-inom ng alak.
Ang mga naturang suspek ay nasa kostodiya ng mga kapulisan na haharap sa kasong Violation of Article 151 of the Revised Penal Code.
Pakiusap ni Andres sa mga nasasakupan ay pairalin ang kooperasyon at respeto sa mga ipinatutupad na batas gayundin ay ang pagsunod sa mga otoridad.
Samantala, patuloy ang pagbabahay-bahay ng pamahalaang lokal upang mag-abot ng tulong pagkain sa lahat ng residente gaya mga bigas, gulay, de lata at iba pa.