Patakaran sa pagbili ng aning gulay sa Gabaldon, ipinaliwanag

GABALDON, Nueva Ecija — Ipinaliwanag mismo ni Gabaldon Mayor Jobby Emata ang patakaran sa pagbili ng mga aning gulay sa bayan.

Ayon kay Emata, pinapayagang pumasok sa bayan ang mga namamakyaw ng mga aning gulay ng mga nasasakupang magsasaka sa mga itinakdang araw ng pamahalaang bayan upang hindi magsabay-sabay ang pasok ng mga namimili.

Tuwing Martes, Huwebes, Biyernes at Linggo ang iskedyul ng mga bumibili ng sibuyas samantalang sa mga natitirang araw gaya Lunes, Miyerkules at Sabado ang pamimili ng ibang mga aning gulay. 

Ito aniya ay sa pakikipag-ugnayan sa mga opisyales ng barangay at mga magsasaka na kahit sa oras ng curfew ay pinapayagan silang makapasok ng bayan. 

Pahayag ng alkalde, pinapayagan araw-araw ang mga gawain ng mga nagsasaka sa bukid kaya wala namang dapat na ipag-alala. 

Kanya ding sinabi na ang ipinagbabawal lamang ay gamitin ang mga trak ng gulay upang makapagsakay ng mga taong pauwi ng bayan upang maingatan ang kapakanan ng mga nasasakupang mamamayan kontra sa pagkakaroon ng kaso ng coronavirus disease sa lokalidad. 

Paglilinaw ni Emata, hindi naghihigpit ang lokal na pamahalaan sa paglabas ng mga aning gulay sa bayan sa mga pagpapatupad ng patakaran kundi ay binibigyang importansya ang kapakanan at kaligtasan ng mga residente ng Gabaldon mula sa pagdagsa ng mga mamimili.

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews