Roque, panauhing pandangal sa ika-168 birth anniversary ni Plaridel

LUNGSOD NG MALOLOS — Si Presidential Spokesperson Harry Roque ang magsisilbing panauhing pandangal sa pagdiriwang ng ika-168 birth anniversary ni Marcelo H. Del Pilar sa barangay San Nicolas, bayan ng Bulakan.

Magsisimula ang selebrasyon sa isang parada na lalahukan ng mga estudyante at guro, mga mamamahayag, Knights of Rizal, mga mason, at mga kawani.

Ito ay susundan ng pagtataas at panunumpa sa watawat at pag-aalay ng bulaklak sa monumento ni Del Pilar sa pangunguna ng kalihim.

Sa isang pahayag, sinabi ni Gobernador Wilhelmino M. Sy-Alvarado na patuloy na pinag-aalab ni Plaridel, kasama ang marami pang bayaning Pilipino, ang puso ng sambayanan sa pamamagitan ng hindi malilimutang legasiya na iniwanan nila makaraang makipaglaban sila para sa kalayaan.

Ang naturang okasyon ay idineklarang local holiday sa buong lalawigan.

Sentro ngayong taon ng selebrasyon ang temang “Marcelo H. Del Pilar: Bayani Noon, Ngayon at sa Nagbabagong Panahon.”

WP2Social Auto Publish Powered By : XYZScripts.com
https://m.youtube.com/c/iorbitnews